SA Pilipinas, may kinakaharap na kasong pandarambong o plunder si Janet Lim-Napoles (JLN) kaugnay ng pork barrel scam na nagkakahalaga umano ng P10 bilyon. Sa United States naman ay nahaharap siya sa kaso, kasama ang ilang miyembro ng pamilya, dahil naman sa money laundering na nagkakahalaga ng may $20 million.
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra noong Miyerkules na si JLN, tatlong anak, ang kapatid na lalaki at ginang nito, ay indicted ng isang federal grand jury dahil sa “conspiracy to commit money laundering, domestic money laundering and international money laundering.”
Kakaiba itong si Sec. Guevarra kumpara kay dating Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre II sapagkat siya ay nakikipagtulungan sa US Department of Justice hinggil sa money laundering charges laban kay Napoles. Sa kabilang dako, kung natatandaan ninyo, may mga balita noon na parang gusto ni Aguirre na gawing state witness pa si JLN at ituro ang mga tao o pulitiko na higit daw ang kasalanan sa P10-billion pork barrel scam.
Ayon kay Guevarra, maganda ang ganitong development dahil magbibigay-daan ito upang maibalik ang pera ng bayan sa national treasury. Sa indictment ni JLN sa US, umaasa siya na kikilos ang federal justice department upang ma-extradite si Napoles at mga kamag-anak upang doon litisin.
Sa kabila ng popularidad at mataas na survey ratings ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hindi raw ito tatakbo para sa national post sa 2019. Ito ang pahayag ni PRRD sa anibersaryo ng National Security Council and National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Pasay City noong Martes. Hindi naman siya nagbigay ng dahilan kung bakit niya nasabi na hindi tatakbo sa pagkasenador si Inday Sara. Ano ang masasabi mo, Mayor Sara?
Medyo malabo pa rin na dumalaw si PDu30 sa US para “makipagkape” at makausap ang hinahangaan niyang si US President Donald Trump. Hindi raw siya makapupunta sa Washington, D.C. para makausap nang personal si Trump sapagkat ang isyu ng extrajudicial killings kaugnay ng kanyang drug war, ay nakahahadlang dito.
Ayon kay Mano Digong, hindi siya makahihingi ng ayuda sa US dahil sa EJKs na isinisisi sa kanya. Ang firearms deal sa isang American firm ay nakansela noon, bunsod ng mga protesta laban sa kanyang madugong giyera kontra illegal drugs na kumitil sa buhay ng libu-libong drug pushers at users, na karamihan ay mahihirap.
Pahayag ng Pangulo: “I cannot go to America. I am not sure America is ready for that. The past Congress (had to) ask for permission to go to war.” Noong 2016, pinigil ng US State Department ang pagbebenta ng 26,000 rifles sa Philippine National Police (PNP) matapos nagpahayag ng pagkabahala si US Senator Ben Cardin (Democrat) tungkol sa human rights records ng Duterte regime.
Noong Agosto 1 ang ikasiyam na taong kamatayan ni ex-Pres. Corazon “Cory” Aquino. Ayon sa kanyang anak na si Noynoy Aquino, nami-miss niya ang kanyang ina subalit natutuwa na rin siyang wala na ito at hindi na nakikita ang mga nangyayari ngayon sa Pilipinas.
-Bert de Guzman