MAHIGIT kalahati ng 5,015 internally displaced people (IDP) ng Marawi, na nabigyan ng pagkakataon makapagsanay ng libre sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang magiging katuwang ng pamahalaan sa muling pabuo ng nasirang lungsod ng Marawi.

Sa kabuuang bilang ng mga nagsipagtapos, ang 2,360 nagsanay sa kursong may kinalaman sa konstruksiyon o technical vocational education training (TVET) ang magiging katulong ng rehabilitasyon ng Marawi city, ayon sa TESDA.

Matatandaang Mayo 2017 nang maghasik ng kaguluhan ang grupong Maute sa Marawi, na kumitil ng mga inosenteng sibilyan, nagdulot ng takot, sumunog ng mga kabahayan at mga gusali.

“We have 5,015 graduates who had their training from July 2017 to May 2018. There were two training modalities -- community-based and institution-based,” pahayag ni TESDA-10 Regional Director Tarhata Mapandi.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mga nagtapos ay ang mga nagsilikas sa mga kalapit na bayan ng sumiklab ang digmaan sa lungsod.

“They were the IDPs in Lanao del Norte, Lanao del Sur, and Iligan. There were also those who went to Saguiran, and those who went back to Marawi City after the siege. We were also able to provide training in barangays there,” dagdag ni Mapandi.

Sa tulong ng mga kursong may kinalaman sa konstruksiyon, natulungan ang mga Marawi IDPs na mahubog ang kanilang kaalaman at kakayanan sa iba’t ibang larangan. Kabilang sa mga kursong ibinahagi ang Carpentry, Electrical Installation and Maintenance National Certification (NC) ll, Masonry NC I, Multiple Plumbing, Pipefitting, Tile Setting, Shielded Metal Arc Welding NC l, Heavy Equipment Operator NC ll, Plaster Concrete or Masonry Surface, Technical Drafting, at Electrical Installation & Maintenance NC ll.

Ang iba namang mga nagsipagtapos ay kumuha ng kursong may kinalaman sa ibang sektor, tulad ng tourism, electronics, agriculture and fishery, health, garments, at social and community development services.

Sa ilalim ng 17-Point Agenda ni TESDA Secretary Guiling Mamondiong, kabilang ang IDPs sa mga prayoridad sa probisyon ng pagsasanay.

Una nang sinabi ni Mamondiong na ang pagbibigay sa mga IDPs ng sapat na pagsasanay ay makatutulong para sa kanilang kabuhayan at sa kanilang pagbalik sa normal na buhay.

Siniguro naman ni Mapandi na patuloy na tutulungan ng TESDA ang mga Marawi IDPs.

PNA