Inutusan ng Court of Tax Appeals (CTA) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na alisin ang seizure warrants na inilabas nito laban sa bank deposits at real estate properties ni boxing icon at Senator Manny Pacquiao at asawa nitong si Jinkee habang wala pang desisyon sa kaso.
Sa promulgation na ipinaskil sa website ng tax court nitong Hulyo 27, inatasan din ang BIR na burahin ang notices of the tax liens na ikinabit sa title ng mga ari-arian ng mag-asawa.
Nagpasya ang CTA na ang BIR “[shall] cease and desist from implementing the subject Final Decision on Disputed Assessment (FDDA) and from collecting the subject deficiency tax assessment issued against the petitioners (Pacquiao) for taxable years 2008 and 2009.”
Si dating BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares ang nagpataw ng P2.2 bilyon na deficiency income tax due kay Pacquiao dahil sa diumano’y hindi pag-uulat ng kanyang napanalunang premyo sa mga laban niya sa United States noong 2008 at 2009.
Ang umano’y pagkakautang sa buwis ay lumobo kalaunan sa mahigit P3.2 bilyon dahil sa interests at surcharges.
-Jun Ramirez