NANG kusang sumailalimkamakalawa sa drug testing ang ilan nating mga Senador, kagyat kong nakita ang lohika sa mga panawagan hinggil sa sapilitan o mandatory drug test sa iba’tibang sektor, lalo na sa ating mga mag-aaral. Mistulang isinuko ng mga mambabatas ang kanilang sarili upang patunayan marahil ang kahalagahan ng naturang pagpapasuri bilang bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte sa paglipol ng mga sugapa sa illegal drugs.
Bagama’t hindi inihayag ang resulta ng drug test sa mga mambabatas na pinangunahan ni Senate President Vicente Sotto III, ang pagpapasailalim nila sa nasabing pagsusuri ay sapat na upang matauhan ang kinauukulang mga awtoridad na isaalang-alang ang panawagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Iginigiit ng naturang ahensiya ang implementasyon ng mandatory drug testing sa mga estudyante at guro sa lahat ng pribado at pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Naniniwala ako na ang nasabing mga panawagan ay nakaangkla sa katotohanan na ang ilan sa kanila ay nalululong sa mga bawal na droga.
Sa kabila nito, kabi-kabila pa rin ang mga pagtutol sa mandatory drug testing, lalo na sa elementary schools. Sinasabing masyado pang mura pa kanilang edad upang sumailalim sa umano’y nakatatakot na pagsusuri; na ang gayong paraan ay isang paglabag sa kanilang mga karapatan bilang mga musmos.
Subalit nagdudumilat ang resulta ng operasyon ng PDEA sa loob lamang ng maikling panahon: Maraming elementary at high school teachers ang inaresto sa illegal drugs, kasabay ng pagkakumpiska ng 1,200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit walong milyong piso. Hindi malayo na ang nabanggit na mga mag-aaral at menor-de-edad ay ginagamit ng mga pushers at drug lords sa pagbebenta ng mga illegal drugs.
Dahil dito, hindi lamang ang gayong grupo ng mga kabataan, mag-aaral at mga guro ang kailangang isailalim sa mandatory drug testing, kundi maging ang lahat ng tauhan ng gobyerno at ng ilang sektor ng pribadong mamamayan. Layunin lamang nito na matiyak ang tindi ng problema sa illegal drugs; upang malaman kung bakit tila hindi maubos-ubos ang shabu na ibinibenta sa iba’t ibang dako ng kapuluan; at upang matiyak ang pagpapatupad ng drug rehabilitation program tungo sa paglikha ng drug-free-Philippines.
Sa bahaging ito, marapat lamang pangunahan ni Senador Sotto ang pagsusog sa Comprehensive Dangerous Drugs Law upang mapawi ang mga balakid at agam-agam sa implementasyon ng mandatory drug testing sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
-Celo Lagmay