Ni MINA NAVARRO

Makatatanggap ng taas pasahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor mula sa siyam na rehiyon sa bansa.

Ito’y matapos ipahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga kautusang inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) mula sa siyam na rehiyon.

"Daily minimum wage adjustments vary across regions as per recommendations of its respective RTWPB after different stages of consultations with labor and management representatives from various industries," ani Bello.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kabilang sa mga rehiyon na magpapatupad ng bagong wage orders ay ang Region III, na may P20 daily increase simula Agosto 1; Region IV A, na may P9.45 daily increase na naging epektibo noong Abril 28; at Region VI P8.50-P26.50 daily increase na may P5-P15 COLA simula noong Hulyo 12.

Ang iba pang mga rehiyon na may bagong wage orders ay kinabibilangan ng Region VIII, P20-P30 daily increase na naging epektibo noong Hunyo 25; Region XII, P16-P18 daily increase simula Mayo 11; at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), P15 daily increase. Gayundin, ang mga rehiyon na may bagong wage orders, na nakatakdang ilathala at magiging epektibo ngayong Hulyo at Agosto ay ang Region VII, P10-P52 daily increase; Region IX, P20 daily increase; at Region XI, P56.43 daily increase.

Ang RTWPBs sa natitirang mga rehiyon, kabilang ang National Capital Region, Regions I, II, IVB at CARAGA, ay patuloy na inaalam ang kalagayan ng socio-economic sa kani-kanilang rehiyon.