LAGING kasama sa listahan ng Magic 12 ang pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), na iboboto ng mga tao bilang senador sa 2019 midterm elections. Gayunman, hindi pala siya tatakbo sa pagka-senador, ayon sa kanyang ama. Hindi raw dapat paniwalaan si Inday Sara dahil tulad niya, “inuuga lang niya ang puno” upang magulantang ang mga mamamayan.
Ipinasiya ng Bureau of Immigration (BI) na ipatapon si Sister Patricia Fox matapos ang mahigit isang buwang pakikipaglaban niyang manatili sa Pilipinas, na 27 taon na niyang pinaglilingkuran bilang isang missionary. Samakatuwid, babalik sa bansang Australia ang 72-anyos na madre na pinagbibintangan ng Duterte administration na nanghihikayat sa mga tao para labanan ang gobyerno. Itinanggi ito ni Fox at sinabing ang tanging layunin niya ay tumulong sa mga katutubo (Indigenous People), mahihirap, at sa mga taong nasa laylayan ng lipunan.
Salungat si Mano Digong na ipagpaliban ang halalan sa 2019. Gusto ng kanyang kaalyado at kaibigang Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na ipagpaliban ang eleksiyon upang umano’y matutukan ng mga senador at kongresista ang Charter Change (Cha-Cha) o ang pagpapatibay sa isang federal system of government kapalit ng umiiral ngayong presidential form.
Pero iba ang takbo ng isip ng kaibigan ko. Takot lang daw si Alvarez na magkaroon ng eleksiyon dahil ang ilalaban sa kanyang distrito sa Davao ay ang kanyang ginang. Suportado raw ang ginang nina Mayor Sara, Davao del Norte Representative Antonio Floreindo, at Governor Del Rosario. Malamang daw na matalo si Alvarez.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na bagamat kontra si PRRD sa election postponement, hindi naman daw pipigilin ng pangulo si Speaker Bebot at ang Super Majority sa Kamara na isulong ang peoples’ initiative upang hayaan ang mga tao na magpasiya kung nais nilang baguhin ang Saligang-Batas at magkaroon ng pederalismo. People’s initiative nga ba ito o Alvarez’ initiative? Itanong kay Sen. Ralph Recto.
Sa kabila ng malamig na pagtrato ni PDU30 sa United States at pagkiling sa China at Russia, magkakaloob pa rin ang US ng $26 milyon bilang counter-terrorism assistance sa Pilipinas. Ayon sa US embassy, kabilang sa ayuda ang mga kagamitan, pagsasanay, at iba pang support programs na naglalayong mapalakas pa ang law enforcement capacity ng Armed Forces of the Philippines.
Ganito ang pahayag ng US Embassy: “The United States is a proud ally of the Philippines and will continue to provide whole-of-government support and assistance to Philippine counterterrorism efforts as we work together to address shared threats to the peace and security of both of our countries.”
-Bert de Guzman