Kailangang paigtingin ng Kamara ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa panukalang paglipat sa federal system of government upang malaman at maunawaan ito ng mamamayan.
Sinabi ni House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia nitong Lunes na dapat maglunsad ng massive information campaign ang Kamara para ma-educate ang mga Pilipino tungkol sa federalismo sapagkat sila ang magpapatibay nito sa plebesito.
“They are the ones who will finally decide whether to reject or embrace the idea of federalism,” ani Garcia.
Lumabas sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isa sa apat na Pilipino lang ang may alam tungkol sa federal system.
Sa survey naman ng Pulse Asia, lumilitaw na dalawa sa tatlong Pilipino ang kontra na baguhin ang 1987 Constitution.
HINAY-HINAY LANG
Tiniyak naman ng mga lider ng Kamara na isasaalang-alang nila ang mga pangamba ng economic managers na maaaring makaantala sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa ang pagmamadali sa paglipat sa federalismo, sa pagtatalakay nila sa panukalang Federal Constitution.
“It will be good to scrutinize in full Secretary Pernia’s economic projections vis-a-vis respective proposed federal states/regions and proceed accordingly,” ani Garcia sa isang panayam kahapon.
Nagbabala si Pernia na makaaapekto sa bansa ang pagmamadaling ipatupad ang federalismo dahil aabutin ng ilang taon bago maka-adopt sa bagong sistema ang karamihan ng mga rehiyon sa bansa.
Nagbabala si Akbayan partylist Rep. Tom Villarin na dapat magdalawang-isip ang gobyernong Duterte sa pagmamadali sa federalismo.
“When Duterte’s economic managers say otherwise about the federalism push, it shows how the right hand does not agree with what the left hand is doing. Such dissonance in policy leads this country to chaos,” aniya.
HUMAN RIGHTS PAANO?
Sinabi ni Senador Leila de Lima na wala ang probisyon ng human rights sa panukalang federal constitution na isinusulong ng pamahalaan.
“I have a question for the Consultative Committee. How come the phrase ‘human rights’ is no longer found in the Article on Declaration of Principles and State Policies? Was the deletion of “human rights” deliberate? If so, why?” puna ni De Lima.
-Bert De Guzman, Charissa M. Luci-Atienza at Leonel M. Abasola