INAASAHAN ng lokal na pamahalaan ng Koronadal na mabubuksan na sa susunod na buwan ang proyektong P150 milyong halaga ng integrated transport terminal complex.
Ayon kay Koronadal City treasurer Marloun Gumbao, itinakda na ng lungsod ang pagbubukas ng pasilidad, na magiging isa sa pinakamalaki at modernong terminal sa buong Mindanao, simula sa darating na Agosto 8.
Ayon kay Gumbao, natapos na ang pagtatayo ng terminal at inaasahang makukumpleto bago ang nakatakdang pagbubukas.
“I recently visited the site and I can say that it’s something that the city can really be proud of,” bahagi niya sa isang panayam sa radyo.
Nabanggit din ni Gumbao na ang kasalukuyang ipinatutupad na ordinansa sa lungsod ang inisyal na gagamitin para sa operasyon ng terminal, kasama na rito ang mga probisyong may kinalaman sa bayad.
Bagamat plano pa rin, aniya, ng lungsod na maglabas ng mga bagong polisiya at regulasyon para sa operasyon ng terminal at pamamahala nito, sa pamamagitan ng ordinansang iminungkahi sa Sangguniang Panlungsod (city council).
Inaasahan namang matatagalan pa ang pagpasa ng ordinansa dahil sa nakatakdang konsultasyon kasama ng mga local stakeholders.
Sa pagbubukas ng bagong transport terminal, sinabi ni Gumbao na ipag-uutos na ng lokal na pamahalaan ang pagsasara ng lahat ng mga pribadong terminal at ilipat ang operasyon sa bagong pasilidad ngayong taon.