Tatlong sundalo ang nasawi habang dalawa pa nilang kasamahan ang nasugatan matapos silang makipagbakbakan sa mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa Mountain Province, nitong Linggo ng hapon.
Paliwanag ni Lt. Col. Isagani Nato, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command (AFP-NoLCom), hindi muna nila ibubunyag ang pagkakakilanlan ng tatlong napatay na sundalo hanggang hindi pa naipapaalam sa pamilya ng mga ito ang insidente.
Aniya, nangyari ang engkuwentro sa bisinidad ng Sitio Dandanac, Barangay Tamboan sa Besao, Mountain Province, dakong 2:50 ng hapon.
Nagsasagawa ng combat operations ang mga tauhan ng 81st Infantry Battalion (81IB) ng Joint Task Force (JTF) "KAUGNAY" ng Philippine Army (PA) sa nabanggit na lugar nang mamataan nila ang grupo ng rebelde, na pinaniniwalaang miyembro ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG) AMPIS, na pinamumunuan ng alyas “Digbay”.
Tumagal, aniya, ng tatlong oras ang sagupaan, na natapos dakong 6:00 ng gabi.
Matapos ang engkuwentro, tatlong sundalo ang bumulagta at dalawang iba pa ang nasugatan.
Naniniwala rin ang NoLCom na may mga napatay din sa mga rebelde dahil na rin sa nakitang mga bakas ng dugo sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Tinangay din ng mga rebelde ang isang K3 Squad automatic weapon (SAW), dalawang R4 rifle, isang M203 grenade launcher na nakakabit sa isa sa mga baril, at handheld radio.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagkasagupa ang dalawang grupo sa nasabi ring lugar, na ang una ay nangyari nitong Hulyo 14.
-Francis T. Wakefield