Sumuko sa awtoridad nitong Linggo ang magkapatid na lalaking miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), bitbit ang kani-kanilang mga baril at mga bala.

Ayon kay Senior Supt. Rufino F. Inot, acting director ng Basilan Police Provincial Office, nagtungo ang kanyang mga tauhan sa Barangay Lagayas, Tipo-Tipo, Basilan upang sunduin ang magkapatid na Jamad Habil Habing, 22, na nagsuko ng isang AK-47 rifle na may magazine at 29 na bala ng 7.62; at Jem Habil Habing, 20, na nagsuko ng M16 rifle at M203 grenade launcher na may apat na mahabang magazine, at apat na maliliit na magazine na may 79 na bala ng M16, apat na M203 live ammunition at isang bandolier.Kapwa sila taga-Sitio Bohe Pansul, Bgy. Baguindan, Tipo-tipo, at pampito at pangwalo sa 11 magkakapatid.

Ayon sa magkapatid, pinugutan at pinatay ng ASG ang kanilang tiyuhin kaya sa takot sa mga bandido na laging naglilibot sa kanilang barangay ay napilitan umano silang sumapi sa grupo, sa ilalim ng nasawing sub-leader na si Parrung Tede, noong 2015.

Naisip nilang sumuko nang mapatay sa airstrike si Tede sa Upper Mahataling, Sumisip noong Mayo 2018.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi rin ng magkapatid na nais nilang bumalik sa pag-aaral bilang criminology students hanggang sa maging bahagi ng Philippine National Police.

-Jinky Lou A. Tabor