PINANGUNAHAN nina International Master Paulo Bersamina at Daniel Quizon ang matikas na kampanya ng Team Philippines sa impresibong panalo sa Premier Open Under-20 class, habang kumikig din si Shania Mae Mendoza sa girls U20 sa 19th ASEAN+ Age Group Chess Championships nitong Martes sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.

Ginapi ni Bersamina,dating miyembro ng Philippine Olympiad squad, si Vietnamese Nguyen Huynh Tuan, habang nanaig si Quizon, pinakabatang kalahok sa naturang dibisyon ng torneo sa edad na 14, ang kababayang si Coellier Graspela.

Ang iba pang Pinoy na nakalusot sa first-round ay sina Rhenzi Kyle Sevillano, nagwagi kay Gino Asuncion, at Sarri Subahani, nanopresa kontra FIDE Master Stephen Rome Pangilinan at IM John Marvin Miciano, nagwagi via default kontra South Korean Kwon Sehyun.

Nabigo naman si Romy Morado kay Vietnam’s Pham Minh Hieu at naungusan si Nelson Busa, Jr. ni FM Agni Jeevitesh Sai ng India.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ipinaramdam naman ni Mendoza, kabilang sa RP Team na sasabak sa World Chess Olympiad sa Setyembre sa Batumi, Georgia, ang intensyon na maidepensa ang korona, nang pabagsakin si Vietnam’s Vo Thi Thuy Tien para pangunahan ang five-player lead pack na kinabibilangan din ng Pinay na si Ella Grace Moulic, nagwagi kay Venien Rafales.

Umusad din sina WIM Nguyen Than Thuy Tien ng Vietnam, WFM Dita Karenza ng Indonesia, WFM Nguyen Thi Minh Oanh at WFM Vu Thi Dieu Ai.

Nakihati naman ng puntos sina Kylen Joy Modido at Jearaine Chato ng Philippines sa torneo na inorganisa ng Chess Events International, at sanctioned ng National Chess Federation, sa pakikipagtulungab ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte at Philippine Sports Commission.

Sa boys’ U18, nagwagi si Far Eastern U standout John Merill Jacutina kaban sa kababayang si Charles John Fiel, habang nakaisa si top seed IM Tran Minh Thang kontra Ernesto Canete.

Sumabit sa maagang liderato ang magkapatid na Dale at Darry Bernardo, Aeron Keife Charles Sinining, Marc Bryan Villarojo at Israelito Rillaroza.