Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang naiipit sa girian sa Middle East na pansamantalang magtago sa bomb shelters at umiwas sa mga lugar na pinangyayarihan ng gulo.
Sa press conference ni Marcos Jr. sa Malacañang nitong Martes, Marso 3, ipinaliwanag niyang sa kabila ng mga Pinoy na nagpahayag ng kagustuhan nilang bumalik sa Pilipinas, nananatiling nakaantabay ang pamahalaan dahil nagpapatuloy ang salitan ng pag-atake ng Iran laban sa Israel at US.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
“Lahat ng ating mga embassy at agencies ay patuloy na umiikot at kino-contact ang Filipino workers sa iba’t ibang lugar. Ito’y hindi madaling gawin dahil as you know, patuloy ang pangbobomba ng mga area na ito at nagsasagutan na ang Iran, Israel at US. Kung saan-saan na. Lumawak na ang mga area na tinatamaan ng mga missile, ng mga bomba. ‘Yong mga sinasabi nating hindi apekatado noon, medyo tinamaan na ngayon,” saad ni Marcos Jr..
“Marami tayong pinaplano dapat na mga ruta kung saan natin mailalabas ang ating mga kababayan. Ngunit ‘yong mga rutang ‘yan ay sumara na dahil binobomba na. So, very fluid ang situation. Patuloy naming mino-monitor. We are in continuous, constant contact with our labor and defense attache, of course our ambassadors, kung ano nga ba ang sitwasyon,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa kasalukuyang bilang ng OFWs na nais nang umuwi sa Pilipinas, binanggit ni Marcos Jr.na 10 na ang nais magpa-repatriate mula sa Iran; 297 naman mula sa Israel; 72 mula sa Jordan; 231 mula sa Bahrain; 586 mula sa Dubai; at 270 mula sa Abu Dhabi.
Sa kabuoan, 1,416 OFWs na ang nagpapauwi sa Pilipinas, base sa latest update na binanggit ni Marcos Jr..
“Eto ngayon ang problema, walang lumilipad na eroplano. ‘Yong mga airport ay tinatamaan na. We have heard reports of attacks on different airports around the [Middle East] region. ‘Yong mga bansang tumulong sa America, ay inaatake ngayon ng Iran as retaliatory strikes. Kaya’t very fluid ang situation,” ani Marcos Jr..
“Ang assessment namin is delikado siguro magpalipad. Kahit kaya natin kumuha ng eroplano, wala tayong magagawa dahil number one, the airports are closed, they’re all in ‘no fly zones’ this is a combat area and ang kinakatakutan ko sa lahat, tatlong fighter jet ng Amerikano ay pinabagsak ng Kuwait by accident, by mistake. So kung commercial airline, baka magkamali din at baka they attack it by mistake. So that’s what we’re worried about. So ‘yong pagpalipad, hindi muna natin gagawin,” aniya pa.
Ang opsyon namang by-land ay kinakikitaan din ng panganib dahil sa pagkakaroon ng “friendly fire incidents.”
“Alam n’yo kapag may putukan, it is an active combat zone. Kapag nakakita ka ng maraming sasakyan eh baka bombahin ‘yon because they’ll misidentify it as some hostile movement. So, that is dangerous. Although, that’ll be the best option that we will have in the immediate future dahil nga kinakatakutan pa natin ‘yong pagpapalipad,” paliwanag ng Pangulo.
Kaya pansamantala, ang payong ibinigay ni Marcos Jr. sa OFWs ay ang paghahanap at pananatili sa isang ligtas na lugar at pag-iwas na pumunta sa mga lugar na pinangyayarihan ng sigalot.
“Ang advice na binibigay natin sa ating mga kababayan ay maghanap ng safe place at doon muna kayo. You stay there, stay indoors. And stay away from areas of danger,” abiso ni Marcos Jr..
Sa kasalukuyan din, ang nakikita nilang pinakamapanganib na bansa ay ang Israel, gayunpaman, binanggit ni Marcos Jr. na maraming bomb shelters dito na puwedeng pagtaguan ng mga tao.
“The most dangerous area for our people right now would be Israel dahil sa tuloy-tuloy na attacks. But the situation is dahil sanay sila sa giyera, marami silang bomb shelters na puwedeng pagtaguan. ‘Yon ang naging advice namin sa ating mga kababayan, do’n muna kayo,” saad ng Pangulo.
“Para maging maginhawa sa kanila, nakipag-areglo, nakipag-usap tayo sa iba’t ibang hotels na malapit sa bomb shelters, na do’n muna sila pumunta. That is the advice given to our nationals in Israel and our nationals everywhere else, na you are in a safe place, kung malayo naman kayo, just stay put and be safe. And we will slowly try to find ways for those who want to be repatriated, we will slowly find ways to get you out safely,” pagtitiyak ni Marcos Jr..
Sa nasabing press conference, binanggit din ng Pangulo na hindi umano mananawagan ang Pilipinas ng tigil-putukan sa nagaganap na tensyon sa Middle East.
Dahil aniya, ang mga may kakayahan lamang mag-utos o magmungkahi nito ang ay mga bansang sangkot sa kasalukuyang giyera.
MAKI-BALITA: PBBM sa US-Israel vs Iran: 'PH is not going to call for a ceasefire… but let me do it now if it will help!’
Sa kabila ng mga kaguluhang ito, tiniyak naman ni Marcos Jr. na aabot pa sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw ang suplay ng langis sa bansa.
MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM
KAUGNAY NA BALITA: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo
KAUGNAY NA BALITA: Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks
Sean Antonio/BALITA