Umapela si Sen. Kiko Pangilinan na pansamantalang suspindihin ang “excise tax” para sa mga produktong petrolyo, at ang agarang activation ng “fuel subsidy programs” para sa mga manggagawang posibleng maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kaugnay ito sa patuloy na bakbakang nagaganap sa rehiyon ng Gitnang Silangan, sa pagitan ng puwersa ng Estados Unidos at Israel kontra sa bansang Iran.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Sen. Kiko noong Lunes, Marso 2, iginiit niyang makatutulong ito hindi lamang upang mabawasan ang presyo ng langis, kung hindi pati na rin ang pagratsada ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
“Nanawagan tayo sa pamahalaan na pansamantalang suspindihin ang excise tax sa fuel at agad i-activate ang fuel subsidy programs upang maibsan ang epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East sa mga manggagawang Pilipino,” saad ni Sen. Kiko sa kaniyang post.
Aniya, “Makatutulong ang hakbang na ito upang mabawasan ang inaasahang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin. Ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa fuel ay maaaring magdulot ng ₱3 - ₱6 na bawas kada litro ng gasolina o diesel.”
“Walang kulay ang solusyon. Sama-sama tayong kumilos upang matugunan ang problemang dulot ng sigalot sa Middle East,” pagtatapos niya.
Photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB
Sa hiwalay na ulat, ipinanawagan din ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila De Lima ang panukalang “Fuel Subsidy Program Act,” na layong bigyan ng sapat na budget ang mga apektadong sektor ng nasabing isyu.
“Through this measure, Filipino workers in sectors largely dependent on oil will be provided with stability in their livelihoods, regardless of geopolitical developments that inevitably affect oil prices,” saad ni De Lima.
MAKI-BALITA: De Lima, ipinapanukala 'fuel subsidy' para sa nakaambang epekto ng US-Israel, Iran war-Balita
Samantala, inanunsyo naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang bansa, na aabot sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 na araw.
“First of all, let me assure everyone that we have [a] sufficient supply of oil. Mayroon tayong stockpile that are approximately fifty (50) to sixty (60) days in terms of gasoline, in terms of fuel oil, and in terms of kerosene,” saad ni PBBM sa isang press briefing nitong Martes, Marso 3.
MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM-Balita
Ang “excise tax” ay isang uri ng buwis na kalimitang pinapataw ng pamahalaan sa iba’t ibang uri ng produkto katulad ng sigarilyo, alak, o maging sa produktong petrolyo.
Vincent Gutierrez/BALITA