Sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ipatatawag niya ang mga lokal na opisyal sa command conference at pagpapaliwanagin sila sa sitwasyon ng kriminalidad at ilegal na droga sa kanilang lugar.

Ito ang ipinahayag ni Duterte ilang araw matapos siyang magbabala ng ‘radical changes’ na binabalak niyang ipatupad sa mga susunod na araw para matugunan ang paglala ng kriminalidad at ilegal na droga sa bansa.

Sinabi ng Pangulo, sa kanyang talumpati sa Cebu, na ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, ngunit kailangan niya ang tulong ng mga lokal na opisyal.

“Mao na ako na silang tawgon mga official. May command conference unya kinahanglan muistorya sila individually diha (Kaya ipatatawag ko ang mga lokal na opisyal. Magkakaroon ng command conference at kailangan nilang magsalita isa-isa),” sinabi ni Duterte.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Muli rin binalaan ni Duterte ang mga lokal na opisyal, partikular na ang mga barangay chairman, na huwag makisangkot sa ilegal na droga dahil hindi niya sila patatawarin.

“Ana ko, ako, I’m willing to make a clean slate. Dili ko mag-kuan. Pero henceforth, mukuan gyud ko nga palayo gyud mo. Palayo mo or give it up. Wala gyud ma — mag-tagbo gyud ta eh (Binabalaan ko kayo na umiwas o tumigil na. Dahil wala – magbabanggaan tayo),” aniya.

Sinabi ni Duterte na ang mga lokal na opisyal na tila walang ginagawa para tugunan ang mga problema sa kanilang nasasakupan ay mananagot kay Interior officer-in-charge Eduardo Año.

“Og di pud mo molihok unya daghan nga kasong durugista, daghang na-rape ana, tawgon ka gyud ni General Año (Kung marami pa ring drug addicts at kaso ng rape at wala pa rin kayong ginagawa, ipatatawag kayo ni General Año),” aniya.

Sinabi ni Duterte kailangan nilang magpaliwanag sa loob ng 72 oras kung bakit ang mga indsidente sa kanilang lugar ay pawang may kinalaman sa droga. Ibeberipika ang kanilang mga paliwanag sa intelligence community.

“Pagtan-aw pud nako, mangutana ko sa intelligence community og tinuod ba, moingon, ‘Totoo ‘yan sir,’ (Kapag nakita ko ito, ibeberipika ito sa intelligence community. Kapag sinabi nila na totoo), I will suspend or dismiss you administratively,” babala niya.

“Tangtangon ko nang powers nimo tanan (Aalisin ko lahat ng kapangyarihan mo). And I will decide. Gross neglect of duty. Dismissable offense na,” dugtong niya.

Tiniyak naman ni Duterte, na kikilalanin niya ang kontribusyon ng mga lokal na opisyal sa pagsusulong ng bansa.

“I — di pud ko mangita’g buslot para lang gyud mutuyo ko’g silip. Wa — di man ta maka-kontra. Wa mo mutabang, wa man pud ko kahibaw kung kinsa mo. (Hindi naman puro mali lang ang hinahanap ko. Hindi tayo magkalaban dito). I mean individually. But I can recognize your contribution to nation building,” aniya.

Ang command conference, inaasahang magaganap ngayong araw, Hunyo 11, ay dadaluhan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, at iba pang matataas security officials para talakayin ang peace and order.

-Argyll Cyrus Geducos at Martin Sadongdong