Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa kabila ng kinasasangkutan nitong kontrobersiya sa TV host-actress na si Kris Aquino, sinabi ng Malacañang kahapon.

“She has not been fired,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing kahapon. “For as long as she has not been fired, she enjoys the trust and confidence because all presidential appointees serve at the pleasure of the President.”

Gayunman, tumangging magkomento si Roque nang tanungin kung si Uson ay asset o liability ng administrasyon. Aniya, wala na siyang maidadagdag sa “no comment” ni Special Assistant to the President Christopher Go sa usapin.

Sinabi rin ni Roque na ang anumang katanungan tungkol sa pagtanggi ni Uson na humingi ng paumanhin kay Aquino ay mas mainam na itanong na lang kay Go.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Tumanggi si Uson na mag-sorry kay Aquino, na pumalag nang gamitin ng una ang video ng paghalik ng dalawang babae kay dating Senador Ninoy Aquino upang depensahan ang kontrobersiyal na paghalik ni Pangulong Duterte sa labi ng isang Pinay sa South Korea kamakailan.

Una nang humingi ng paumanhin si Go, sa utos ng Presidente, kay Kris, at sinabing hihingi rin ng paumanhin si Uson sa ginawa nito.

Gayunman, hindi humingi ng paumanhin si Uson kay Aquino.

-Genalyn D. Kabiling