TATANGGALIN na ngayong taon ng halos isang siglo nang Miss America competition ang tanyag na swimsuit segment nito, dahil hindi na umano huhusgahan ang mga kandidata base sa kanilang pisikal na anyo, sinabi nitong Martes ng opisyal ng organisasyon.

Miss America

Ang event, na itinatag bilang swimsuit beauty pageant na layuning manghikayat ng mga bisita o turista sa Atlantic City sa katapusan ng summer, ay hindi na tatawaging “pageant”, hakbang na ginawa upang gawing moderno ang imahe nito, kasabay ng pagsusulong ng #MeToo movement laban sa sexual discrimination at harassment sa Amerika.

“We are no longer a pageant, we are a competition. We will no longer judge our candidates on their outward physical appearance. That’s huge,” pahayag ni Gretchen Carlson, chairperson ng Board of Trustees ng Miss America Organization sa Good Morning America ng ABC News.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sinabi ni Carlson, dating nagwagi sa 97-anyos nang patimpalak, sa isang pahayag na ang mas mahalagang pagtuunan ng mga hurado ang scholarship, talento at social impact ng mga kandidata.

Ang swimsuit competition ay papalitan ng panel interview ng mga contestant, saad ng grupo sa pahayag.

Iniulat ng ABC, na pagmamay-ari ng Walt Disney Co, na ang kompetisyon ay gaganapin sa Atlantic City, New Jersey, sa Setyembre 9.

Nagbitiw sa puwesto ang top leadership ng grupo noong Diyembre, kasunod ng mga balitang nagpadala ng mga malaswang emails ang mga dating executive tungkol sa mga dating winner.

Hindi na rin huhusgahan sa timpalak ang mga kandidata sa kanilang evening gown portion, sa halip ay hinihimok ang mga contestant na gamitin ang event para ipahayag ang kanilang personal style.

“We’re experiencing a cultural revolution in our country with women finding the courage to stand up and have their voices heard on many issues,” sabi ni Carlson. “Miss America is proud to evolve.”

-Reuters