Mismong si Pangulong Ro­drigo Duterte ang nagkumpirma kahapon na sinibak niya sa pu­westo si Bureau of Customs (BoC) Deputy Commissioner Noel Pru­dente dahil sa maraming beses nitong pagbibiyahe patungo sa Singapore at Europe.

Ito ang inihayag ng Pangulo nang saksihan niya ang pagsira sa 122 smuggled luxury vehicle, na nagkakahalaga ng P34.71 milyon, sa Port Area sa Maynila kahapon.

Sa kanyang speech, sinabi ni Du­terte na iniimbestigahan na ngayon ng Kamara si Prudente.

“He is now under investigation by the House. Matagal ‘yang inves­tigation sa House. So, I will cut short the agony of Congress. I am firing him today. Noel Patrick Sales Prudente. Deputy commissioner. I am firing him effective today,” sabi ng Pangulo.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“If you are fired, I’m sorry, but that’s the way it should be,” dagdag niya.

Ayon kay Duterte, nagkaroon si Prudente ng intrapersonal travel sa Singapore, bumalik doon para sa personal na biyahe, at mayroon ding personal travel sa Europe, gayung siya nga ay hindi pa kailanman nakatikim ng Europe trip.

Itinalaga ni Duterte noong Pe­brero 2018 sa Information System and Technology Group ng BoC, isa si Prudente sa apat na opisyal ng BoC na pinagpapaliwanag ng National Bu­reau of Investigation (NBI) tungkol sa pagpapalabas ng mga kargamentong mayroong misdeclared goods.

Ilang opisyal na ng gobyerno ang sinibak ng Pangulo sa puwesto dahil sa madalas na pagbibiyahe, habang ang iba naman ay sangkot sa alegasyon ng kurapsiyon.

Nauna rito, hinamon kahapon ng House minority bloc, sa pangun­guna ni Quezon Rep. Danilo Suarez si Pangulong Duterte na sampahan ng kaso ang sinibak nitong opisyal ng pamahalaan, lalo na dahil inalis ang mga ito sa puwesto sa bintang ng katiwalian.

“It is time for follow-through. If the President is serious about eradi­cating corruption, he will not let the volaters get away with their wrong­doings simply by removing them from their respective positions,” saad sa pahayag ng mga oposisyong kongresista.

Sinabi naman ni Asst. Minority Leader at ABS Party-list Rep. Eugene De Vera na dapat na magsagawa ang Office of the Ombudsman ng moto propio investigation upang matukoy kung totoong may pananagutan ang mga sinibak na opisyal.

Para naman kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, dapat na agarang simulan ang imbestigasyon laban sa mga tinanggal na opisyal makaraang sibakin ang mga ito.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, ulat ni Ben R. Rosario