Cebu City, umarya sa sepak, una sa medal race

CEBU CITY - Nanaig ang tropa ng Cebu City sa Sepak Takraw sa men’s Regu event laban sa City of Manila, 21-16; 21-16, kahapon para patatagin ang kapit sa overall title sa 9th edition ng Philippine National Games (PNG) dito.

Binalikat ni national team member Rheyjey Orouste ang tropang Cebuano sa Sepak Takraw na ginanap sa Enan Chiong Activity Center, upang pigilan ang Manila na makapuntos sa teritoryo ng Cebu at panatilihing nasa unang puwesto sa annual meet, na inorganisa ng Philippine Sports Commisson (PSC).

“Masaya po for Cebu. And also preparation na rin po namin ito sa coming SEA games manila sa 2019. Natutuwa po kami sa suporta ng LGU po namin at nagpapasalamat po ami sa PSC for this opportunity na makapaglaro,” pahayag ni Orouste.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Wagi naman ang mga babaeng pambato ng Mandaluyong City sa Women’s Regu event kung saan dalawang national team member naman na sina Mary Melody Longos at Alyssa Cubias Bandoy ang naging sandigan ng koponan sa pagpapaluhod sa nakalabang Cebu province, 21-17; 21-10.

Ayon sa coach ng National Lady Sepak takraw team na si Romulo Ruedas Jr., malaki ang pagpapasalamat nila sa kanilang LGU lalo na sa PSC sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga national team at non-national team members na makapag laro ng Sepak takraw at maipakilala nang husto sa bansa ang nasabing sports.

“Nagpapasalamat kami sa grassroots program ng PSC, dahil malaaking tulong na nagkaraoon ng women’s team ng Sepak Takraw para mai promote ng husto ang sports na ito, dahil napakalaking tulong po ito sa mga atleta natin ng Sepak,” pahayag ni Coach Ruedas.

Kasalukuyang namamayagpag ang Cebu City sa medal tally habang isinusulat ang balitang ito, at humakot ito ng kabuuang 44 na gold buhat sa mga sports ng athletics, tennis, badminton, cycling, weightlifting at karatedo.

Ayon kay Edward Hayco, ng Cebu City Sports Commission, isang napakagandang pagkakataon ang naibigay na makapagsukbit ng gintong medalya para sa Cebu City.

“It is an opportunity for them to win the golds in honor of our city. Mas mabigat ang gold medals nila dahil mas matutulungan nila ang mga baranggay sa mga ginagawa nilang pagtuturo which is voluntary. We would like to thank the PSC for this oppurtunity to host the PNG,” pahayag ni Hayco.

Sa iba pang resulta, wagi rin sa tennis ang Cebu City sa Men’s Singles matapos kunin ni Norman Joseph Enriquez ang ginto, kung saan tinalo niya sa finals ang kanyang kapatid na si Marc Norman Enriquez.

Habang nakasilat naman ng ginto sa women’s single si national team member Marian Capadocia laban kay Melanie Faye Dizon ng PSTA.

Kampeon naman sa beach volleyball men’s division ang Cebu, na nag-uwi ng ginto, habang ang Davao City naman ay nakakuha ng silver medal, at bronze naman ang sa Mandaluyong city.

-ANNIE ABAD