Ni Minerva Newman
CEBU CITY – Lahat ng babae ay may natural na instinct upang maging ina. Ang mahalaga ay matuto tayong tugunan ito.
Ito ang sinabi ni Grace Petalcorin, 35, dalaga, isang nurse sa licensing division ng Department of Health (DoH)-Region 7, at isang lisensiyadong foster mother sa isang dalawang taong gulang na lalaki, si Tristan.
Ang pakiramdam ng kahungkagan sa buhay ang nagbigay-daan upang makilala ni Grace si Tristan, kasunod ng taimtim na pananalangin at pagtalima sa malilinaw na “signs” mula sa Diyos na ang pagsasakatuparan ng misyon niya sa buhay ang tanging makapagpapasaya sa kanya.
Kuwento ni Grace, taong 2016 nang makibahagi siya sa World Youth Day sa Poland, kung saan sa gitna ng kasiyahan sa kanyang paligid ay nakadama siya ng matinding kalungkutan.
“I felt good, happy. I met so many Filipinos at the event, yet I had this feeling of emptiness engulfing me and a voice whispered to me to adopt a child. I ignored these incessant voices. Why should I adopt a child? Why do I feel empty inside?” ani Grace.
Dumiretso siya sa isang simbahan sa Poland kung saan binabasbasan noon ang kabaong ng batang si Pier Giorgio Frassati, na isinusulong na maging santo. Si Frassati ay patron para sa World Youth Day, ayon kay Grace.
Abril 3, 2017 nang muling makaramdam ng matinding kalungkutan si Grace, hanggang tanggapin niya ang tawag sa telepono ng kaibigang si Pierre, na nagtanong kung nais niyang mag-ampon ng bata. Dito na napagtanto ni Grace ang aniya’y nais ng Diyos para sa kanya, idinagdag na Abril 6 ang kaarawan ni Pier Frassati.
Kinabukasan, nagtungo siya sa DSWD-7 para mag-inquire kung paano mag-ampon ng bata, hanggang sa ipakilala sa kanya si Tristan, isang taong gulang na may motor development delay disorder. Natuklasan din sa tuluy-tuloy na pagsusuri sa bata na mayroon itong myoclonic seizures at mild autism.
“Tristan is turning two on May 11, 2018. Almost a year now that this child is with me and despite all difficulties I don’t have regrets. Every day is a celebration with this boy. Not a day that I am not happy with him in my life,” sinabi ni Grace habang ipinakikita sa may-akda ang mga litrato ng anak sa kanyang cell phone, ibinalita ring bumubuti na ang lagay ng kalusugan ni Tristan.
“My journey to motherhood is very challenging but equally fulfilling. Foster mother, biological mother, adoptive mother… it is not the label that counts, but the amount of love you give to a child, to any child and that to me is motherhood,” ani Grace. “You don’t have to be married to be a mother. Motherhood or being a mother transcends biology. It is Love.”