Ni Mary Ann Santiago at Orly Barcala

Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko hinggil sa pagsisimula ng dalawang araw na liquor ban na magsisimula ngayong Linggo, Mayo 13, kasunod ng pagtatapos kahapon ng campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections bukas.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang liquor ban ay magsisimula ng 12:01 ng umaga ngayong Linggo at epektibo hanggang hatinggabi ng mismong araw ng halalan bukas.

Alinsunod sa liquor ban, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang pagbebenta, pamimigay, pag-aalok, pagbili, pag-inom, at pagsisilbi ng anumang nakalalasing na inumin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kaugnay nito, nagpaalala kahapon ang Valenzuela City na isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo ang magiging parusa sa sinumang lalabag sa liquor ban.

“’Yung iba po kasi parang balewala lang sa kanila na akala ay basta lamang paglabag sa ordinansa. Taon po ang kulong sa sinumang lalabag,” ani Chief Insp. Noel D. Ramirez, deputy chief of police for operation ng Valenzuela.

Pagsapit ng hatinggabi kahapon ay bawal na rin ang pangangampanya ng mga kandidato, gaya ng pagpapakilala sa mga botante, pagbabahay-bahay, pagdaraos ng political rallies, o pamimigay ng anumang campaign materials, kabilang na ang sample ballots.

Paalala ni Jimenez, ang sinumang kandidato na mahuhuling nangangampanya pa at lalabag sa election rules ay maaaring madiskuwalipika.

Muli ring iginiit ni Jimenez na maging ang pamimigay ng sample ballot sa gate ng mga polling precinct ay mahigpit ding ipinagbabawal dahil malinaw na isang uri ito ng pangangampanya.

Pinayuhan din ni Jimenez ang mga botante na sa halip na tumanggap ng sample ballots ay maghanda na lang ng sariling kodigo ng mga iboboto.

Mahigpit ding nagpaalala si Jimenez sa mga kandidato at mga botante hinggil sa pagbabawal sa pamimigay, pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin, pera at anumang bagay na may halaga, na maaaring maituring na vote buying.