Nina Genalyn D. Kabiling at Mary Ann Santiago
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon sa advertisement deal ng Department of Tourism sa state-owned television matapos kuwestiyunin ng Commission on Audit (CoA) ang ginastos dito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nais ng Pangulo na malaman ang detalye ng advertisement deal na pinasok ng DoT.
“I assure you the Palace will investigate the matter. Of course, we have to accept the findings of the COA and I understand this is the final finding. The Palace will investigate on its own,” sinabi ni Roque sa press briefing sa Palasyo.
Nauna rito ay natuklasan ng CoA na nagbayad ang DOT ng P60 milyon halaga ng advertisements sa television program na inere sa People’s Television network (PTV 4) nang walang mga tamang dokumento. Ang nasabing programa ay produced ng kapatid ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo na si Ben Tulfo at co-hosted ng isa pa nilang kapatid na si Erwin Tulfo.
Sinabi ni Roque na walang dahilan para mag-leave si Teo habang iniimbestigahan ng Palasyo ang usapin, at itinanggi na rin ng tourism chief na may kinalaman ito sa paglalagay ng ads.
Sa isang biglaang press briefing, nilinaw ni Teo na ang naturang pondo ay dumaan sa bidding at legal na proseso at wala ring cash o tseke na napunta sa production house ng kanyang mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.
Iginiit niya na walang conflict of interest sa nangyari dahil government to government ang naturang kontrata, na-review ng kanilang legal department, at ang nag-usap at nagpirmahan dito ay ang DoT at PTV 4, kaya’t wala na siyang pakialam kung saan mang programa ilalagay ng television network ang patalastas ng kanilang ahensya.
Kung may dapat din aniyang magpaliwanag sa isyu ay walang iba kundi ang PTV 4.
Inihayag niya na milyun-milyong piso rin naman ang ibinayad nila sa iba’t ibang kilalang television networks tulad ng GMA-7, ABS-CBN at iba pa, upang i-promote ang turismo sa bansa.
Naghihinala si Teo na may kinalaman sa pagpapasara sa Boracay Island ang panglutang ng nasabing isyu dahil marami silang nasagasaang malalaking tao dito.
“Sa totoo lang, simula nang isara ang Boracay, I know it was coming. Marami po akong death threats, pero di na lang ako umiimik,” aniya pa.
Isa pang anggulong tinitingnan ni Teo ay pulitika, lalo na at mataas ang rating ni Erwin Tulfo sa mga senatorial survey.
“Mga kapatid ko, napakatapang, marami ring nasasagasaan. Kung di nila kaya ang mga kapatid baka ako ang patamaan,” ani Teo.
Itinanggi naman ni Tourism Undersecretary Pompee La Viña, na siya ang nag-leak ng CoA report hinggil sa ad placements ng DoT.
“I’m very unpopular with the media. How can I influence the media to release the CoA report?” diin niya.