Nina Tara Yap at Rommel P. Tabbad
BORACAY, Aklan – Dumagsa sila sa Boracay Island noong nakaraang taon upang magsimulang muli makaraang mawasak ng limang-buwang digmaan ang lugar nila sa Marawi City, at ngayon, nasa alanganin na naman ang kanilang kapalaran.
“Nasasaktan ako. Biglang nasira ‘yung lugar namin nakaraang taon at lahat kami natigil sa pag-aaral. Pumunta kami dito upang maghanap-buhay nang maayos, pero eto ‘yung nangyari,” sabi ni Mariam Ali.
May maliit na souvenir shop ang 21-anyos na si Ali sa dalampasigan ng isla sa Station 2. Isang araw makaraang pansamantalang isara ng gobyerno ang isla sa mga turista, nananatiling bukas ang kanyang tindahan.
BALIK-MARAWI
Dumating si Ali sa Boracay kasama ang kanyang kapatid na babae at ang pamilya nito, sa pag-asang sa isla nila muling sisimulan ang kanilang mga buhay.
“Umiiyak siya kasi maghahanap naman sila (pamilya ng kanyang kapatid) kung saan makakita ng pera para sa dalawang anak, at tsaka buntis siya ngayon,” ani Ali.
Sinabi ni Ali na plano niyang sa Metro Manila naman makipagsapalaran, habang uuwi na sa Marawi ang kanyang kapatid at ang pamilya nito.
Gaya ng kapatid ni Ali, mapipilitan ding bumalik sa Marawi si Aralia Batuampar, 21, na mayroon ding tindahan ng mga souvenir sa isla.
Hindi batid ang aktuwal na bilang ng Marawi evacuees na dumayo sa Boracay, pero ilan sa kanila ang kumubra ng P3,500 ayudang pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
‘GHOST TOWN’
Kaugnay nito, inihalintulad ng mga negosyante sa isang “ghost town” ang Sitio Bulabog sa Barangay Balabag sa Boracay, na una nang tinawag na “cesspool” ni Pangulong Duterte.
Dahilan ng isa pang negosyanteng si Eddie Manuel, wala nang naiwang turista sa isla, partikular na sa Sitio Bulabog.
Nabatid na aabot pa lang sa 700 ang mga manggagawa sa isla na natulungan ng DSWD.
Katwiran naman ni DSWD-Region 6 Director Rebecca Geamala, patuloy pa ang kanilang assessment sa libu-libong manggagawang nawalan ng trabaho sa isla.