Ni Beth Camia
Nagtungo sa Department of Justice (DoJ) ang Presidente at Chief Executive Officer ng Rappler na si Maria Ressa, upang personal na panumpaan ang kanyang kontra salaysay sa kinakaharap na reklamong cyberlibel na paglabag sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Ngayon nakatakda ang preliminary investigation, ngunit minarapat ni Ressa na panumpaan ang kanyang kontra salaysay kahapon dahil hindi siya makadadalo sa pagdinig.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng hinggil sa lumabas na ulat sa website ng Rappler, kung saan nakasaad na pagmamay-ari ng negosyante ang itim na SUV o Chevrolet Suburban na ginagamit noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
Ang impormasyong ito ay nauna nang itinanggi ni Keng.
Sa nasabing artikulo, inakusahan din si Keng ng pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen.
Ayon kay Ressa, dapat mabasura ang reklamo dahil lagpas na ang prescriptive period o panahon para maisulong ang reklamo at ang artikulong kinukuwestiyon ay orihinal na lumabas sa Rappler website noon pang May 2012, ilang buwan bago naging ganap na batas ang RA 10175.
Protektado rin umano ng 1987 Constitution ang freedom of the press.
Ngunit ayon sa NBI na nagsulong ng reklamo, bagamat orihinal na inilathala ang artikulo noong 2012 ay na-update ito noong 2014 at patuloy pa ring nababasa sa Internet.
Bukod kay Ressa, kasama rin sa mga respondent ang kolumnistang si Reynaldo Santos Jr at mga direktor at officer na sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza, Dan Alber De Padua, at Jose Maria Hofilena.