Ni Marivic Awitan

DALAWANG pares ng mga laro na magtatampok sa mga dating kampeong koponan ng San Miguel Beer at Alaska Milk, at ang orihinal na Barangay Ginebra at Purefoods squads ang itinakda ng PBA.

Pinagpipilian kung sa Setyembre 9 o 15 sa Araneta Coliseum ang laban ng mga classic legends na inisyal na proyekto ng Samahan ng mga Dating Propesyonal na Basketbolista ng Pilipinas sa pakikiisa ng PBA. .

“We sought the PBA’s support and they gave us a warm reception especially because this in an event for a cause,” wika ng dating Crispa superstar na si Atoy Co, ang presidente ng bagong tatag na players foundation na may layuning makalikom ng pondo para sa mga dati nilang kasamahan na nangangailangan.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ang dati ring Crispa star na si Philip Cezar ang nahalal na bise presidente habang ang dating Toyota player na si Ed Cordero ang kalihim at si Allan Caidic naman ang ingat-yaman.

Kasama nila bilang mga direktor sina Mon Fernandez, Alvin Patrimonio, Kenneth Duremdes, Jojo Lastimosa, Pido Jarencio at Art dela Cruz..

“They put up a foundation that will be ready to help their peers. We’re cooperating with them and we’re giving them all-out support,” ani PBA commissioner Willie Marcial.

“Tutulungan natin lumakas yung foundation. Kapag lumakas yon, marami silang matutulungan na nangangailangang dating kasamahan,” dagdag ni Marcial.

“For the initial project featuring former stars of Ginebra, Purefoods, San Miguel Beer and Alaska, sila ang bahala sa players while the PBA takes care of the operation and promotions. The proceeds go to the foundation,” wika pa nito.

Ilan sa mga dating manlalaro na inaasahang sasabak sa nasabing classic legends games sina Fernandez, Caidic, Lastimosa, Patrimonio, Duremdes, Ato Agustin, Hector Calma, Johnny Abarrientos, Bong Hawkins, Jeffrey Cariaso, Jerry Codinera, Chito Loyzaga, Vince Hizon, Marlou Aquino, Noli Locsin at Bal David.

“We’ll be inviting all former PBA players to be there,” ayon kay Co.