Dave M. Veridiano, E.E.

ANG magkasunod na desisyon sa nakabinbing PLUNDER CASE laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ay lubhang nakalilito at nakahihilo dahil sa magkakasalungat na interpretasyon nito sa husgado.

Hindi lang ako ang nakaramdam nito, bagkus maging nang ilang mambabasa at mga kababayan nating laman ng matataong bangketa, iskinita at kalsada sa Metro Manila na madalas kong hinihingian ng reaksyon, hinggil sa mga kontrabersyal na balitang pinag-uusapan sa ating lipunan.

Para sa aming mga ordinaryong mamamayan, nakadidismayang malaman na sa loob ng 26 na taon (1991 – 2016) ay 13 kaso lamang ang nahawakan ng Sandiganbayan at sa mga ito ay dalawa pa lamang ang “convicted” – si Pangulong Joseph “Erap” Estrada at isang kahera ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Dominga Manalili. Ang pitong kaso ay nakabinbin pa at ang anim ay pawang naresolba na.

Si Manalili ay nakakulong pa rin, samantalang si Erap ay na-pardon ni Gloria Macapagal Arroyo, na pumalit sa kanya.

Si PGMA ay nasampahan din ng PLUNDER dahil sa ilegal na paggastos ng “PCSO intelligence funds” para sa taong 2008 hanggang 2010. Nakulong siya ng ilang taon sa ospital at pinawalang-sala ng Koret Suprema noong Hulyo 2016.

Sa totoo lang, marami sa amin ang apektado, kapag natatagalan ang desisyon para makulong, ‘di kaya naman ay nakalalaya agad ang nagnakaw ng milyones o bilyones sa kaban ng bayan, na dapat sana’y panustos ng pamahalaan sa pangangailangan ng bansa sa agrikultura, edukasyon at kalusugan!

Karamihan kasi sa amin ay may kapitbahay, kaibigan at kakilala na may simpleng puwesto lamang sa pamahalaan subalit “nagmumura” ang karangyaang tinatamasa. Nakita namin kung paano ang mga ito masuspinde, makasuhan at muling makabalik sa trabaho, kasunod pa ng “promotion” sa puwesto, sa tulong ng mga “tumatanaw ng utang na loob sa kanila”, na mga bagong halal na pulitiko sa bansa. Wala pa kaming nakita sa mga ito na nakulong dahil sa pagnanakaw ng pera ng bayan, na kasama kami sa nagpakahirap na magpundar sa pamamagitan nang pagbabayad ng tamang buwis taun-taon.

Muling napag-usapan ang mga kasong PLUNDER nang ipaaresto ng Sandiganbayan ang dalawang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) at isang retiradong pulis sa kasong panunuhol ng P50 milyon upang mapalaya ang 1, 700 EXPAT , na ilegal umanong nagtatrabaho sa Clark, Pampanga. Walang piyansa para sa naaresto at agad silang ikinulong sa Bicutan.

Umapela ang abugado ng dating pulis na si Wally Sombero – depensa nila, ‘di dapat ikulong ang taong tumulong at ginamit ng pamahalaan upang mabuwag ang sindikato ng mandarambong sa mga departamento ng pamahalaan.

Para sa akin – isa itong halimbawa ng kaso ng isang tao na matapos gamitin, pakinabangan at pagkakitaan ng mga naka-puwestong opisyal -- ay sadyang INILAGLAG upang maproteksyonan ang sarili nilang kapakanan at mapagtakpan ang umaalingasaw nilang baho sa lipunan.

Kilala ko si Sombero bilang mahusay na operatibang pulis. Nang magretiro siya at mangibang bansa, bumalik siyang isang henyo sa negosyong ONLINE GAMING. Ang pagprotekta sa negosyong ito, laban sa mga ganid na opisyal ng pamahalaan na ginawa itong PALABIGASAN, ang masasabi kong naging dahilan upang si Sombero ay makasuhan ng PLUNDER, kasama ng dalawang opisyal ng BI na siyang target ng classified na operasyong tinawag na OPLAN JANUS-DELTA.

Ang mga dokumentong ito ang gamit ni Sombero para siya mapalaya, dahil patunay ito na ginamit siya ng pamahalaan bilang isang “deep penetrating agent” upang masakote ang mga opisyal sa DI at DoJ at iba pang departamento ng pamahalaan, na nanghuhuthot sa mga negosyante ng ONLINE GAMING, na nagpapasok ng bilyones na pera sa bansa.

Pakiwari ko’y maraming humahadlang kay Sombero sa layunin nitong maging legal ang ON LINE GAMING na magpapasok ng BILYONES na kita sa pamahalaan, kaysa mapunta lamang sa bulsa ng iilan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]