Ni Dave M. Veridiano, E.E.
(Huling bahagi)
ANG ‘climate change’ ang pinakamatinding kalaban ng mga magsasaka at mangingisda, ‘di lamang dito sa ating bansa kundi maging sa buong mundo.
Ito umano ang dahilan kaya may mahabang linya ng mga proyekto at nagsaliksik ang Department of Agriculture (DA) hinggil dito – para tulungang maging matatag ang sektor na kumakayod upang ang bawat Pilipino ay may mapagsaluhang pagkain sa kanilang hapagkainan.
“The Department is braving the challenges of the new world by embarking in various technological advancements aimed at increasing and improving productivity in the agriculture sector,” sabi ni DA secretary Manny Piñol.
Ang tawag sa mga proyektong ito ng DA ay “Intensive technology updating and sharing, modernization and mechanization program” – gaya halimbawa nang paggamit ng mga “solar panel” upang makabomba ng “underground water” na mapadadaloy bilang “irrigation” sa mga sakahang malayo sa tubig. Magagamit din ito sa mga isdang inaalagaan sa mga “fish tank”, “fish pen”, at sa paggawa ng kuryente na galing sa “hydroelectric power”. Kabilang na rito ang “color-coded map” na maa-access sa website ng DA, sa pamamagitan lamang ng cell phone, upang makakuha ng mga impormasyon hinggil sa binhing itatanim, weather forecast, at iba pang mahahalagang impormasyon sa pagsasaka.
Kasama sa prayoridad ng DA ay ang pagbuo ng mga pasilidad na magagamit na pondohan ng mga bagong aning pananim, prutas at gulay habang naghihintay ng mga mamamakyaw na negosyante. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkasira at pagkabulok ng mga paninda habang hindi pa napapakyaw!
Ang isang halimbawa nito ay ang nalalapit nang “full-operation ng Benguet Trading Center”, na ite-turn over sa mga magsasaka sa Cordillera. Ito ang sinasabing pinakamalaking trading center ng mga “agri-products” sa lugar na tinaguriang ‘Salad Bowl of the Philippines’ -- dahil halos 90 porsiyento ng kabuuang ani ng gulay at prutas sa buong rehiyon ay dito inaani!
Sa ilalim ng bagong pamunuan ng DA – ang mga “high-value crops” na tulad ng rubber, oil palm, banana, abaca, coconut at mga marine product ay bibigyan ng “full support” at personal umanong pangungunahan ni Secretary Piñol ang kampanyang ito!
Sa gitna ng lahat ng ito, siyempre ay ‘di mawawala ang “enforcement campaign” para sa mga agricultural at fisheries laws, lalo na sa tinatawag na “land conversion” at “illegal fishing”. Kasama na rin dito ang pagpapatupad sa “closed-season policy” upang mabigyan nang sapat na panahon na mag-”replenish at restore” ang ating mga yamang dagat!
Kamakailan lamang ay inilunsad ng DA ang benipisyong “Life and Accident Insurance Plan” para sa mga magsasaka at mangingisda, na agad din palang masusundan ng “Pension Program” na patapos na sa “drawing board” ng Philippine Crop Insurance Corporation (DA-PCIC).
Ang disenyong ito ng “Pension Program”, na tatawaging “Farmers and Fishermen’s Pension Fund (FFPF)”, ay magkakaloob ng seguridad sa pamamagitan ng “retirement benefits” sa mga taong tinubuan na ng mga puting buhok sa pagtatrabaho, upang ang buong sambayanang Pilipino ay may makain araw-araw!
At ang nakatutuwang balita – ang muling pagtuturo ng “basic agriculture” sa mga elementary school, pribado at publiko, upang mahikayat ang mga bata na magtanim. Ang DA ang magkakaloob ng mga magtuturo, gardening tools, seeds, organic fertilizers at iba pang kagamitan sa irrigation.
Naniniwala akong ito ang tamang panahon upang ang mga magsasaka at mangingisda – ang sektor na tinaguriang “The Backbone of the Nation” ay mabigyan ng importansya at pagkalingang matagal nang ipinagkait sa kanila!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]