Ni Fer Taboy

Kulang ang 15 araw na ibinigay na palugit ng Korte Suprema para isumite ang case files ng 4,000 napatay sa war on drugs ng pamahalaan, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Dahil dito, iaapela ng PNP sa Korte Suprema ang umano’y kakulangan sa panahon para isumite ang mga pangalan ng mga napatay sa drug operation.

Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. John Bulalacao, kulang ang 15 araw para malikom ang lahat ng hinihinging dokumento ng Korte Suprema.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Gayunman, hindi masabi ni Bulalacao kung gaano katagal ang kinakailangan ng PNP para makolekta ang lahat ng case files mula sa iba’t ibang Police Regional Offices.

Paliwanag ni Bulalacao, ang tanging hawak ng PNP National Headquarters ay ang mga spot reports na ipinadadala ng iba’t ibang Regional Offices sa National Operations Center.

Aniya pa, mismong mga case folder, na naglalaman ng kumpletong detalye ng imbestigasyon, ay nasa mga concerned police unit.

Kaugnay nito, tiniyak ni Bulalacao na handa ang PNP na tumalima sa resolusyon ng Korte Suprema at sinimulan na umano nilang kolektahin ang hinihinging mga dokumento.