Ni Bella Gamotea
Nagpatupad ng big-time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Martes.
Sa pahayag ng Flying V at Pilipinas Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes ay nagtaas ang mga ito ng P1 sa kada litro ng diesel at kerosene, habang 90 sentimos naman sa gasolina.
Agad na sumunod ang Petron, Chevron at Seaoil at nagpatupad ng kahalintulad na dagdag-presyo sa petrolyo.
Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis sa kaparehong oil price hike, na bunsod ng paggalaw ng presyuhan sa langis sa pandaigdigang pamilihan.
Marso 27 huling nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng big-time oil price hike: P1.15 sa kada litro ng gasoline, P1.10 sa diesel, at P1 naman sa kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DoE), naglalaro na ang bentahan ng gasolina sa P48.02- P57.92 kada litro, P43.97-P54.15 sa kerosene, at P37.30-P43.50 sa diesel.