PHOENIX (AP) — Pinalakas ni Jayson Tatum ang kampanya para sa ‘Rookie of the Year’ award nang makaiskor ng 23 puntos sa 102-94 panalo ng Boston Celtics kontra Phoenix Suns nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nalagpasan ni Tatum ang 1,000 career points ngayong season para sa ikaapat na sunod na panalo ng Boston at mapatatag ang kapit sa No.2 spot sa Eastern Conference.

Nag-ambag sina Marcus Morris at Al Horford ng 20 at 19 puntos, ayon sa pagkakasunod sa Boston.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Nanguna si Josh Jackson sa Suns sa natipang 23 puntos, habang tumipa si Tyler Ulis ng 19 puntos.

GRIZZLIES 101, WOLVES 93

Sa Minneapolis, hataw si Wayne Selden sa natipang 23 puntos, habang kumubra si Marc Gasol ng 20 puntos, 10 rebounds at anim na assists sa panalo ng Memphis Grizzlies sa Timberwolves.

Umiskor sina Selden at Gasol ng tig-apat na three-pointers para sa kabuuang 15 of17 sa rainbow area at tuldukan ng Memphis ang 17-game road losing streak, habang inilagay sa alanganin ang kampanya ng Timberwolves (42-33) na makakuha ng playoff seat.

Nanguna si Jeff Teague na may 25 puntos at pitong assists sa Minnesota, natalo sa ikalawang sunod na laro at bumagsak sa 6-7 mula nang ma-injured si Jimmy Butler. Kumamada si Karl-Anthony Towns ng league-leading 62nd double-double -- 15 puntos at 12 rebounds.

Anim na players ng Grizzlies, sa pangunguna ni JaMychal Green na may 11 puntos at 10 rebounds, ang tumipa ng double digits.

HORNETS 137, KNICKS 128

Sa Charlotte, N.C., ginapi ng Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na may 31 puntos at tatlong assists sa overtime, ang New York Knicks.

Naipuwersa ng Hornets ang overtime nang maisalpak ni Walker ang three-pointer. Sa extra period, nadomina ng Charlotte ang tempo ng laro.

Nag-ambag si Dwight Howard ng 23 puntos at 13 rebounds, habang kumana si Marvin Williams ng 13 puntos.

Nanguna si Michael Beasley sa Knicks na may 27 puntos, habang kumana si Enes Kanter ng 15 puntos at 13 rebouds sa New York na bumagsak sa 9-30 sa road game.

SIXERS 123, NUGGETS 104

Sa Philadelphia, nagbalik laro mula sa injury ang No.1 rookie pick na si Markelle Fultz. At hindi nabigo ang nakaantabay na fans sa naiskor na 10 puntos at walong assists sa dominanteng panalo ng Sixers kontra Denver Nuggets.

Ito ang unang laro mula noong Oktubre ng 2017 top rookie draftee.

Nakasigurado na ang Philadelphia ng playoff berth – kauna-unahan ng koponan mula noong 2012 – at inaasahang malaki ang papel ni Fultz.

“It was his decision,” pahayag ni coach Brett Brown.

“It’s been fluid. I get goosebumps telling you all that. I’m so proud of him. The people around him have done great things. I give that kid credit.”

Sa iba pang laro, nagwagi ang Detroit Pistons sa Los Angeles Lakers, 112-106.