Ni Fer Taboy

Tatlong pinaghihinalaang drug pusher ang napatay ng pulisya matapos umano silang lumaban sa buy-bust operation sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), kinilala lamang ang tatlong napatay sa mga alyas na “Elmer”, “Pakdon” at “Aye”.

Sinabi ng pulisya na nangyari ang insidente sa Vista Verde Subdivision sa Barangay Muzon, dakong 11:30 ng gabi.

Probinsya

Nurse, patay matapos pagsasaksakin ng gunting ng isang pasyente

Naglatag umano ng buy-bust operation sa lugar ang mga tauhan ng San Jose del Monte Police station.

Habang nakipag-usap ang mga suspek sa pulis na poseur-buyer ay nakatunog umano ang mga ito na mga pulis ang kanilang katransaksiyon hanggang binaril umano ni Elmer ang mga pulis habang tumatakas siya.

Dahil dito, nakipagbarilan ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapaslang sa tatlo sa apat na suspek.

Hinahanap pa ng pulisya ang pang-apat na suspek na nakatakas sa operasyon.

Sa paunang report naman ng Scene of the Crime Operations (SOCO), magkakatabing nakadapa sa damuhan ang tatlong napatay.