Ni Mary Ann Santiago

Nahaharap sa patung-patong na kaso ang umano’y gun runner at suspek sa serye ng holdapan sa Marikina City at mga karatig lungsod sa buy-bust operation sa nasabing lungsod, nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ng Marikina City Police, inaresto ng mga operatiba ang suspek na si Ramoncito Calilap, alyas Taks, 27, sa buy-bust operation sa bahay nito sa 1058 Bagong Silang Street, Barangay Nangka, dakong 9:30 ng gabi.

Unang nakatanggap ng ulat ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek, dahilan upang magkasa ng operasyon ang mga pulis.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa halagang P25,000, binentahan umano ni Calilap ng baril ang pulis poseur-buyer.

Nakumpiska kay Calilap ang isang Ingram sub machine gun, na may dalawang magazine na kargado ng tig-10 na bala; limang piraso pang bala; isang .9mm Armscor pistol; isang magazine ng naturang baril na may lamang limang bala; isang pakete ng hinihinalang shabu; at P25,000 marked money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina City Police at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa illegal possession of firearms (RA 10591) at illegal possession of illegal drugs (RA 9165).