Nina Genalyn Kabiling, Beth Camia, at Fer Taboy

Nangako ang gobyerno na hindi nito papayagang malusutan ng mga “big fish” ang mga kaso ng ilegal na droga at ipinag-utos na ang pagre-review ng Department of Justice (DoJ) sa kontrobersiyal na pagbasura sa kaso ng drug trafficking laban sa mga pangunahing drug suspects sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, irerepaso ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagkakabasura ng drug cases laban sa mga umano’y drug lord na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, at kung kinakailangan ay maaari itong ihaing muli nang may kaakibat na mga bagong ebidensiya.

Ang kaso laban kina Espinosa, Lim at 17 iba pa ay inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We would like to assure the public that the dismissal is far from being final. It is in fact subject to automatic review by Secretary Vitaliano Aguirre and we look forward to review to be made by Secretary Aguirre,” sinabi ni Roque sa news conference sa Malacañang.

“If upon review the DoJ finds reasons to reverse the dismissal, then it will be reversed. If however it is necessary to file additional evidence, we will prompt police authorities to do so. We will not allow a big fish to go away if there is evidence to go after him,” dagdag pa niya.

“We need to be careful that at this stage the evidence will be complete to sustain a conviction when filed before courts,” sabi pa ni Roque. “Hindi pa tapos ang boksing. Huwag tayo magkaroon ng conclusion dahil may proseso pa ng pag-aapela. Wala pang pinal na desisyon kung kakasuhan o hindi.”

Itinanggi rin ni Roque ang mga espekulasyon na inabsuwelto si Espinosa kapalit ng pagtestigo nito laban kay Senator Leila de Lima, at tinawag na “baseless” ang mga alegasyong nalusutan ni Lim ang kaso dahil kumpare umano ito ni Pangulong Duterte.

Sinegundahan naman ni Aguirre si Roque, sinabing hindi pa pinal ang resolusyon ng DoJ dahil maaari pa itong iapela sa pamamagitan ng motion for reconsideration mula sa PNP-CIDG, bukod pa sa sasalang din sa automatic review ng kanyang tanggapan.

Kahapon ay naghain na ng motion for reconsideration ang PNP-CIDG kaugnay ng nabasurang kaso, at sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na gagawin ng pulisya ang lahat ng legal remedies upang mapanagot ang mga sangkot sa sindikato ng droga.