Ni Ric Valmonte
SINABI ni Pangulong Duterte na dahil sa pagdami ng mga rebeldeng sumusuko sa pamahalaan, malaki ang posibilidad na ganap na mapulbos ng militar ang New People’s Army (NPA) bago matapos ang 2019. Ito ang sinabi ng Pangulo ilang araw makaraang sabihin ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Joma Sison na ang sunud-sunod na pagsuko ng mga rebelde ay hindi totoo at bahagi lamang ng propaganda ng administrasyong Duterte.
“Nagmukhang katawa-tawa ang rehimeng Duterte sa pagpapalabas nito ng mga pekeng pagsuko ng NPA fighters at ang kanilang taga-suporta,” wika ni Sison.
Ang posibilidad na mapupulbos ang NPA bago matapos ang 2019, ayon sa Pangulo, ay mananatili lamang na posibilidad.
Malayong mangyayari ito. Kasi, militar ang kanyang ipinagmamalaking gagawa nito. Hindi problemang militar ang armadong labanan sa pagitan ng Communist party of the Philippines (CPP) - NPA at gobyerno. Problemang ekonomiya ito.
Kamakailan, dinakip ng militar ang anim na kabataan dahil mga NPA raw sila. Isa rito ang 21 taon na si Myles Albasin, mass communication graduate sa University of the Philippines, Cebu. “Walang nagturo dito para siya maging radical, pero dahil sa nakikita niyang mga dukha at pulubi, naging ganito siya,” sabi ni Grace Albasin, ina ni Myles. Sa press conference noong Huwebes sa UP Cebu pagkatapos na dalawin ang kanyang anak sa Negros Oriental jail kung saan siya nakapiit, kasama ang limang iba pa.
Ayon kay Grace, alam niya ang pagpunta-punta ng kanyang anak sa pinakamahihirap at malalayong bahagi ng bansa upang makisalamuha sa mga magsasaka at mga taga nayon, upang malaman ang tungkol sa kanilang buhay. Pakikiisa, aniya, ang ginagawa niya sa mga ito sa pagtungo niya sa Negros Oriental, ano ang masama dito? Hindi na raw kailangan na turuan pa siyang maging radical dahil nararanasan niya mismo ang nangyayari sa araw-araw na pamumuhay.
Ipagpalagay natin na mga tunay na NPA fighters ang mga nagsisisuko sa gobyerno, hindi mauubos ang mga NPA tulad ng inaakala ni Pangulong Digong. May mga pumapalit sa mga nagsisisuko o umaatras na sa labanan. Mga bata na ang nagsisitangan ng armas, at sa kanilang puso ay nag-aalab ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanilang kapwa lalo na sa mga nakalugmok sa kahirapan at kagutuman. Hindi lang mga bata kundi nag-aral pa at matalino. Alam nila ang pinakaugat ng problema. Tignan ninyo si Myles. Siya ay lider-estudyante mula noong high school, tumutulong pag-isahin ang mga estudyante, magsasaka, mangingisda, manggagawa at katutubo para ipaglaban ang kanilang karapatan.
Ang malaking problema pa sa gobyerno, kahit mga bata ay nakahandang mamatay para sa ipinaglalaban nilang simulain.
Isa sa mga ito ay ang batang babaeng nag-aaral sa Polytechnic University na kamakailan, sa Batangas, ay nasawi sa pakikidigma sa mga sundalo. Kaya, iyong nangyayaring pagsuko ay para lang tinatalbusan ang NPA upang yumabong at lumakas dahil nakaugat ito sa matabang lupa ng kahirapan at kaapihan.