Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, at ulat ni Martin A. Sadongdong

Tiniyak ng Malacañang sa publiko na hindi maaabuso ang kapangyarihang ibinigay sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang magpalabas ng subpoena.

Napaulat nitong Biyernes na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 10973 na nagkakaloob sa PNP chief at sa PNP-CIDG director at deputy director for administration ng kapangyarihang magpalabas ng subpoena at subpoena duces tecum kaugnay ng pag-iimbestiga sa mga kaso.

Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala ang Human Rights Watch (HRW) researcher na si Carlos Conde tungkol sa nasabing bagong batas, sinabing maaari itong maabuso ng matagal nang abusadong mga pulis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa press briefing sa Alimodian, Iloilo kahapon, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang basehan ang naging pahayag ni Conde dahil protektado na ng Konstitusyon ang publiko laban sa abusadong paggamit sa subpoena.

“Meron naman tayong mga umiiral na batas kapag inabuso itong ganitong kapangyarihan. So, kung talagang walang dahilan mag-subpoena, puwede naman pong kuwestyunin ‘yan sa pamamagitan ng certiorari arguing that it is whimsical, capricious,” katwiran ni Roque.

“Hindi naman po sila mag-o-order ng pagkakakulong. Kapag hindi po sinunod ang subpoena, kinakailangan pa magsampa sa hukuman ng isang petisyon for indirect contempt,” dagdag niya.

Aniya, makatutulong ang RA10973 upang mapagtibay ang mandato ng PNP na magresolba ng mga krimen.

“This will add more teeth on their mandate to enhance the law and find solution to the criminal cases,” sabi ni Roque. “This subpoena power will give hope to the many victims of crimes who were deprived of justice due to the slow investigation processes as witnesses or respondents to crimes cannot be forced to face investigation.”

Ikinatuwa naman ng PNP ang bagong batas, at tulad ng Malacañang ay tiniyak din kahapon ng pulisya na “any attempt to abuse or misuse this power will be promptly checked and offenders will be dealt with accordingly”, ayon kay Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP.