Ni Fer Taboy
Kalunus-lunos ang sinapit ng isang bata sa kamay ng limang lalaki na gumahasa at pumatay sa kanya sa T’boli, South Cotabato, nitong Huwebes ng gabi.
Sa report ng T’boli Municipal Police Station (TMPS), natagpuan ang bangkay ng 9-anyos na biktima sa isang liblib na lugar sa Barangay Poblacion sa T’ boli, na tadtad ng saksak at laslas pa ang tiyan.
Inihayag ni Chief Insp. Ramil Villagracia, hepe ng TMPS, na nangyari ang krimen matapos umanong dumalo ang biktima sa Seslong Festival.
Pauwi na, aniya, ang bata nang hilahin ng limang suspek, kinaladkad sa masukal na lugar at doon umano halinhinang ginahasa.
Matapos ang panggagahasa, pinagsasaksak pa ang biktima at nilaslas din ang tiyan nito.
Dinakip naman ng pulisya ang tatlo sa limang suspek, na hindi muna ibinubunyag ang pagkakakilanlan hanggang nagsasagawa pa ang mga awtoridad ng follow-up operations laban sa dalawa pang suspek.