Ni Leonel M. Abasola
Pursigido si Senador Bam Aquino na tukuyin at lutasin ang misteryo sa mga nawawalang prepaid mobile load o “nakaw load” sa pagdinig ngayong Lunes.
Sa kanyang Senate Resolution No. 595, inaatasan ang Committee on Science and Technology na alamin ang kapasidad at kahandaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan at mga regulator para magpatupad ng mga patakaran upang protektahan ang milyun-milyong prepaid mobile subscribers.
Inaasahang dadalo sa pagdinig ang mga kinatawan ng iba’t ibang consumer groups, IT advocacy groups, DICT, Department of Trade and Industry (DTI), National Telecommunications Commission (NTC), at Smart, Globe at PLDT.
“Huwag nating hayaang manakawan ng pera ang ating mga kababayan. We cannot ignore these consumer reports of the disappearance of prepaid mobile credits, including mischarges, hidden charges and errors in opt out mechanisms,” ani Aquino.