Ni Gilbert Espeña
Handang-handa na si Ernesto Saulong sa kanyang unang pagtatangka na maging kampeong pandaigdig sa pagkasa kay IBF super bantamweight champion Ryosuke Iwasa sa Huwebes sa Kokukigan, Tokyo, Japan.
Naging mahalagang sparring partner si Saulong ni IBF super flyweight titlist Jerwin Ancajas sa gym nito sa Magallanes, Cavite kaya nagkaroon ng sapat na karanasan sa paghamon kay Iwasa na magdedepensa unang pagkakataon sa hawak na IBF belt.
Pinatulog ni Ancajas si No. 10 contender Israel Gonzalez ng Mexico sa kanyang unang laban sa ilalim ng Top Rank Promotions kaya maraming napahangang boxing fans sa buong mundo.
“Magpapasalamat ako kay Jerwin, marami akong natutuhan sa mahusay niyang estilo,” ayon sa tubong Mindoro Occidental sa Balita. “Kailangan po talagang patulugin ko si Iwasa kasi alam naman natin na bihirang manalo ang mga Pinoy sa Japan kapag Hapones ang kalaban. Ipagdasal na lamang po ninyo ako na matalo ko siya,” aniya.
May kartadang 21-2-1 a may 8 pagwawagi sa knockouts, nagtala si Saulong ng 14 na panalo at isang tabla bago nakalasap ng masaklap na pagkatalo nang patulugin ni dating world rated at WBC International flyweight champion Rey Megrino.