Nina HANNAH L. TORREGOZA, BETH CAMIA at ELLSON A. QUISMORIO

Ibinunyag ni Senator Richard Gordon kahapon na itinatago ng ilang opisyal ng Department of Health (DoH) ang mahahalagang dokumento kaugnay sa marketing at sales ng Sanofi Pasteur sa anti-dengue vaccines na binili ng nakaraang administrasyon noong 2015.

Ang mga dokumentong kanilang nadiskubre, ayon sa chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ay magpapakita kung paano pinuwersa ni dating Health Secretary Janette Garin ang Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng permit para sa pamamahagi ng Dengvaxia kahit wala pang prequalification requirements mula sa World Health Organization (WHO).

Ayon kay Gordon, nakuha ng kanyang komite ang mga dokumentong may kaugnayan sa Dengvaxia vaccines na itinatago ng ilang tao sa DoH.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Mayroon pang mga tao na nagtatago ng mga dokumento na nasilip namin, mga kawani ng DOH na hindi ni-report iyong kakulangan ng Sanofi,” sinabi ni Gordon sa panayam ng radyo DZBB.

“It would show na ganun kalalim ang hawak ni Secretary Garin at that time na napapayag niya ang FDA na magbigay ng permit na hindi pa luto ang test, yung pagtapos ng Phase 3,” sabi ng senador.

Lumalabas aniya na ang Sanofi Pasteur, ang French manufacturer ng Dengvaxia, na nagbigay ng bakuna sa mahigit 800,000 batang mag-aaral, ay walang sapat na papeles na magpapatunay ng integridad at bisa ng mga bakuna nito.

Sinabi ni Gordon na ilalabas niya ang mga dokumento sa susunod na pagdinig, kapag pinilit na pangalanan ang mga opisyal ng DoH.

Batay sa paper trail, ayon kay Gordon, sinisilip ng kanyang komite ang posibleng pananagutan ng administrasyong Aquino, partikular na ang key players sa kontrobersiya ng Dengvaxia para sa kasong homicide through reckless imprudence.

“It’s too early for PAO (Public Attorneys Office) to say (the cause of death of the children in the case) its Dengvaxia. I’m just being fair. Pero of this we know: minadali,” punto ni Gordon.

“Kaya nga ang sinasabi ko anong pwede nilang ikaso dito sa mga nagmamadali? Improper procurement, illegal procurement of the medicines; it was not tested. If you did not test it and someone dies, then you have a case called homicide through reckless imprudence,” diin niya.

Walang namang balak ang Public Attorney’s Office na itigil ang pag-iimbestiga sa mga bangkay na hinihinalang biktima ng Dengvaxia vaccine sa kabila ng panawagan ni dating Department of Health Sec. Esperanza Cabral at ng grupong Doctors for Public Welfare (DPW).

Ayon kay PAO chief Persida Acosta, nagsasagawa lamang sila ng mga forensic examination sa katawan ng mga bata sa kahilingan ng mga magulang.

Hinimok naman ni Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel ang Sanofi Pasteur na tumalima sa kahilingan ng DoH na magtatag ng financial reserve para sa mga batang Pinoy na posibleng nabiktima ng palpak na anti-dengue vaccine.

“It is high time for Sanofi to comply with Health Secretary Francisco Duque’s request for an indemnity fund to pay for the treatment of Filipino school children rendered sick after receiving Dengvaxia shots,” sabi ni Pimentel, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Ito ang panawagan ng mambabatas ng Mindanao bago ang muling pagbubukas ngayong araw ng kanyang panel sa imbestigasyon ng Kamara sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccines.

Naghain si House Senior Deputy Minority Leader at BUHAY Party-List Rep. Lito Atienza ng bagong resolusyon para muling mabuksan ang imbestigasyon.