Ni Annie Abad

SASABAK na sa bakbakan ang mga kabataan buhat sa iba’t ibang panig ng bansa upang magpakitang gilas sa Philippine Sports Commission PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup ngayong ala-1 ng hapon sa Sorsogon.

Tampok ang mga kabataan na nagnanais na sumunod sa yapak ni Senator Manny Pacquiao sa nasabing patimpalak na suportado ng PSC sa pangunguna ni chairman William “Butch” Ramirez katuwang ang Gobernador ng lalawigan ng Sorsogon na si Robert Rodrigueza para sa Sorsogon leg.

Sisimulan ang general weigh in para sa mga batang lalaki at batang babae na sasabak ganap na alas-7 ng umaga hanggang alas-9 na susundan naman agad ng Official Draw ganap na alas-10 ng umaga hanggang alas-12 bago ang Opening Ceremony ganap na ala-1 habang sisimulan ang preliminaries sa ala-1:30 ng hapon.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ang nasabing kompetisyon ay lalahukan ng mga batang babae at lalaki na may edad 15-16 anyos sa Junior division na may limang weight categories, ang Pin 44-46kg, light fly 48kg, fly 50kg, Light Bantam 52 kg at bantam 54kg.

Habang sa Youth Boys and Girls naman na lalahukan ng 17 at 18 anyos ay may lima ding categories para sa boys at apat sa girls.

Ang boys categories ay ang Light Fly 46-49kg, Fly 52kg, Bantam 56kg,Light 60kg at Light Welter 64kg. ang sa girls naman ay Light fly 45-48kg, Fly 51kg, Bantam 54 kg. Feather 57 kg.

Ito ang ikalawang round ng preliminary kung saan una nang sinimulan ang nasabing kompetisyon nitong Dec 16-17 sa General Santos City sa paunang laban. Ang ikatlong preliminary round ay gaganapin naman sa Bago City sa Visayas sa kasunod na Linggo, bago simulan ang quarter final round sa Mindanao.

Ang naturang proyekto ay bahagi ng grass roots program ng PSC na layuning makahanap ng mga potential athletes na maaring maging isang boxing champion sa hinaharap.