Ni Clemen Bautista
NAKASALALAY ang kaayusan at katiwasayan ng bansa sa Philippine National Police (PNP). At ang slogan ng PNP ay “TO SERVE, TO PROTECT.” Kapag madalas na nagaganap ang krimen, ang bagsak ng sisi ay sa mga pulis. Pinararatangan ang mga pulis na pabaya. Tinatawag na pulis-patola. Idagdag pa ang tawag na kotong cops at nasasangkot sa mga sindikato, kidnapping, droga at hulidap na nagbibigay-dungis sa imahe ng PNP. Sa ganitong gawain ng ilang bugok at tarantadong pulis, nasasabi tuloy ng ating mga kababayan ang kahulugan ng PNP ay “PAHINGI NG PERA”.
Hindi rin maiwasan na may mga pagkakataon na may ilang tauhan ng PNP na napupunta sa talampakan ang katinuan at naliligaw ng landas. Matatandaan ang panghoholdap ng siyam na pulis-Quezon City sa EDSA noong Setyembre 2014. Marami tuloy sa ating mga kababayan ang nawalan ng tiwala sa pulis. Inilarawan sila ng iba nating kababayan na mga bandidong nakasuot ng uniporme. Ang malungkot pa, nasundan ito ng mas nakagugulat na pangyayari sa PNP sapagkat ang nakasuhan naman ay si dating PNP chief Director General Alan Purisima. Kinasuhan ng plunder at graft sa Ombudsman. Nasuspinde hanggang sa tuluyang nasibak sa tungkulin. Kahit paboritong opisyal siya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa administrasyong Duterte at sa pamamahala ni PNP Director General Ronald dela Rosa sa mga pulis, may ilang pulis din na nasangkot sa krimen. Pinatay sa piitan si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa. Nanlaban umano nang isisilbi ang search warrant noong madaling araw ng Nobyembre 5, 2016. At ang lalong nagbigay ng batik sa imahe ng PNP ay ang pagdukot ng ilang tiwaling opisyal ng PNP sa isang negosyanteng Koreano sa Angeles City, Pampanga. Nagbigay na ng P5 milyon ang misis ng biktima, pinatay pa rin ang Koreano. Sa loob pa ng Camp Crame pinatay. Sinunog ang bangkay at ang abo ng biktima ay ipinalulon sa toilet bowl.
Natakot din ang ating mga kababayan nang ipatupad ng PNP ang kampanya kontra droga ni Pangulong Duterte. Umabot sa mahigit walong libo ang napatay sa police operation at tinatayang 13,000 ang napatay sa iba pang operasyon. Karamihan sa mga napatay ay nakasuot ng tsinelas at marumi ang sakong. Paliwanag ng mga pulis: NANLABAN kaya napatay. Nasundan pa ito ng pagpatay sa tatlong lalaking teenager na sinabing sangkot sa droga; Kian delos Santos, Carl Arnaiz, at Reynaldo de Guzman.
Ang mga nabanggit ay ang mga pangyayaring nagbigay batik sa imahe ng PNP. Kahit sinasabing mas marami ang matinong pulis, hindi na maiwasan ng ilan nating kababayan na matakot sa mga pulis.
Ngayong 2018, ang PNP, mula sa pinakamababang ranggo hanggang sa pinakamataas na opisyal ng pulis, ay doble na ang susuweldohin. Ang dobleng suweldo ay batay sa nilagdaan ni Pangulong Duterte na Joint Resolution No. 1. Matatatangap na ng mga pulis ang dagdag-suweldo mula ngayong Enero 15, 2018. Masasabing isang kasaysayan ang mga kaganapan sa PNP sa ilalim ng rehimeng Duterte. May iba’t ibang reaksyon ang ating mga kababayan. Ngunit ang tanong naman ng iba nating kababayan, ang dagdag-suweldo ay makatulong kaya upang mawala na ang mga police scalawag? Maging matino na kaya ang paglilingkod, mawawala na kaya ang pangongotong? Hindi na kaya madungisan ang imahe ng PNP?