Ni KIER EDISON C. BELLEZA

CARCAR CITY, Cebu – Walang amoy at hindi binulok ng mga insekto ang bangkay at kasuotan ng arsobispong Cebuano, na pumanaw noong 1988 at kandidato para maging santo, makaraan itong hukayin at suriin ng kilalang forensic expert.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, forensic consultant ng Public Attorney’s Office (PAO), ang nabubulok na katawan ng tao ay naglalabas ng iba’t ibang chemical compound na nagbubunsod ng partikular na amoy.

Subalit sa kaso ni Archbishop Teofilo Camomot, sinabi ni Erfe sa mga mamamahayag nitong Huwebes ng gabi na “there was a remarkable absence of foul smell and odor of decay.”

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon pa kay Erfe, ang bangkay at kasuotan ni Camomot ay partikular na “in pristine condition, uncorrupted by any form of infestation and insect activity.”

Nanguna sa forensic team na sumuri sa bangkay ng arsobispo, inamin ni Erfe na sa 15 taon niya bilang forensic anthropologist ay ito ang unang beses na nakasuri siya ng bangkay na may ganitong kaso.

“It was a unique experience for me and the rest of the team,” ani Camomot.

Nakilala sa pagmamahal at malasakit sa mahihirap, nasawi si Camomot sa isang aksidente sa sasakyan noong Setyembre 1988 sa bayan ng San Fernando. Siya ay 74 anyos.

Nasawi si Camomot dahil sa “multiple, bilateral rib fructures, left calvicular fructures, and extensive cranial and bilateral facial bone fractures”, ayon sa pagsusuri ng forensic team.

Ayon kay Fr. Samson Silloriquez, ang postulator na nakabase sa Rome para sa pagsusulong kay Camomot bilang santo, pumili ng bahagi sa bangkay ng arsobispo upang gawing relic na magagamit sa beatification at canonization nito.

Sinabi ni Erfe na inirekomenda niya ang tadyang ni Camomot para gawing relic dahil ito ang pinakamalapit sa puso ng arsobispo.

Ang kalansay ni Camomot, na inilagay sa loob ng isang wax figure, ay inihimlay sa puting kabaong bago inilibing nitong Huwebes ng hapon sa espesyal na puntod sa museo ng Domus Teofilo.

Aabot sa 6,000 deboto ang dumalo sa misa ni Cebu Archbishop Jose Palma sa Daughters of St. Teresa compound sa Carcar City para kay Camomot.

Sa kanyang homily, nagpasalamat si Palma sa mga mananampalataya at nanawagan sa kanila na ipagpatuloy ang pananalangin “[that] by God’s will, may he (Camomot) be declared a saint soon.”

Nobyembre ng nakalipas na taon nang binigyan ng go-signal ng Congregation for the Causes of Saints sa Vatican ang ikalawang bahagi ng beatification at canonization ni Camomot.