Nina AARON RECUENCO at ROMMEL TABBAD

Nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkaputol ng supply ng kuryente ang bagyong 'Agaton' sa iba't ibang lugar sa Visayas at Mindanao matapos na anim na beses itong mag-landfall kahapon.

Una nang itinaas ang Signal No. 1 sa pitong lalawigan habang kumikilos ang Agaton sa ikaanim nitong landfall sa Palawan kahapon, ayon sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa taya ng PAGASA, huling namataan ang Agaton sa 170 kilometro sa kanluran ng Dumaguete City sa Negros Oriental bandang tanghali kahapon, taglay ang hanging 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at may bugsong 90 kph habang kumikilos sa Sulu Sea patungong Palawan.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 28 kph.

PAULIT-ULIT NA NANALASA

Una itong nag-landfall sa Dinagat Islands-Siargao Islands bandang 1:00 ng umaga kahapon, bago tumama rin sa Jagna sa Bohol, Santander sa Cebu, at Bais City sa Negros Oriental.

Tinataya ng PAGASA na ngayong Miyerkules ng umaga ay nasa layong 275 kilometro na ang Agaton sa kanluran-hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan, at bukas ay tinatayang nasa layong 540 kilometro sa hilaga ng Pagasa Island o nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Caraga Region sa Mindanao, nalubog sa baha ang bayan ng Tubay sa Agusan del Norte, Surigao City, Carmen sa Surigao del Sur, Butuan City at Dinagat Island, at nasa 1,045 ang inilikas, bukod pa sa daan-daang stranded sa mga pantalan.

Sa Western Visayas, 87 barangay ang binaha at ilang kalsada sa Iloilo at Capiz ang hindi madaanan.

Sa Eastern Visayas, nawalan ng kuryente ang mga bayan ng Macrahon, Padre Burgos, Tomas Oppus, Bontoc, Sogod, Libagon at Panaon Island sa Southern Leyte, habang aabot sa 700 katao ang stranded sa mga pantalan.

2 PATAY SA CEBU

Dalawa naman ang kumpirmadong nasawi sa bagyo sa Cebu, sinabi kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Kinilala ni PDRRMO Spokesperson Julius Regner ang mga nasawi na sina Flora Matas, 64, na natabunan ng debris sa landslide sa Barangay Looc sa Malabuyoc kahapon ng madaling araw. Tumalon naman sa hagdanan si Ritchie Pimentel, 39, sa loob ng kanyang bahay sa Bgy. Sto. Niño sa kaparehong bayan.

Naapektuhan din ng Agaton at binaha ang mga siyudad ng Mandaue at Toledo.

Nagsagawa rin ng malawakang paglilikas sa Biliran, na isa sa pinakamatitinding sinalanta ng bagyong 'Urduja' noong nakaraang buwan, kasama ang Leyte. Caraga Region din ang napuruhan sa pananalasa ng bagyong ‘Vinta’ ilang araw matapos sumalanta ang Urduja.

KANSELADONG BIYAHE

Samantala, naapektuhan din ng Agaton ang pagluwas sa Maynila ng mga nagbakasyon sa lalawigan makaraang kanselahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga biyahe sa mga lugar na binagyo.

“We have advised our regional directors, as well as the bus operators, not to allow buses to proceed to Northen Luzon, eastern seabord of Central Luzon, Southern Luzon and the eastern and western seaboards of Visayas. This is due to the strong to gale force winds in the said areas,” sabi ni Atty. Aileen Lizada, board member at tagapagsalita ng LTFRB.

Kinansela rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga paglalayag sa mga siyudad ng Cagayan de Oro, Iligan, Ozamiz, Siargao, at Butuan dahil sa Agaton. - May ulat nina Kier Edison Belleza, Fer Taboy, at Alexandria Dennise San Juan