Nauwi sa trahedya ang isa sanang Simbang Gabi matapos barilin at patayin ang 14-anyos na lalaki ng hindi pa nakikilalang armado sa Navotas City, dalawang araw bago mag-Pasko.

Nalagutan ng hininga si Jimboy Empasis, 14, out-of-school youth, ng Barangay NBBN, dahil sa tama ng bala sa ulo, ayon sa awtoridad ng Navotas City police.

Base sa inisyal na imbestigasyon, patungo si Empasis at ang kanyang mga kaibigan sa simbahan nang lapitan ng grupo ng mga lalaki, na iniulat na pawang lasing, dakong 2:15 ng madaling araw.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng magkabilang grupo, ayon sa awtoridad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi ni Lorenzo Apolinario, kaibigan ni Empasis, sa pulis na agad nilang iniwan ang mga lalaki.

Gayunman, pagsapit nila sa Martinico Street, binaril si Empasis ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa puting motorsiklo, ayon sa pulis.

Isinugod ang biktima sa Tondo Medical Hospital kung saan siya namatay.

Nagsasagawa na ng follow-up operation upang makilala at mahuli ang mga suspek. - Kate Louise Javier