Ni Celo Lagmay

HINDI na sana dapat pansinin ang mistulang pagbabangayan ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pero tila nilalaro ako ng aking imahinasyon: May bendisyon kaya ni Pangulong Duterte ang pagbubunyag si Sandra Cam sa sinasabing maluhong Christmas party ng naturang tanggapan? Hindi rin kaya ikinatuwa ng Pangulo ang paglaan ng milyun-milyong pisong pondo para lamang sa kasayahan sa gitna ng pagdadalamhati ng mga biktima ng kalamidad?

Bigla kong naalala ang halos nanggagalaiting pahayag kamakalawa ng Pangulo: Sa mga karinderya lang ako kumakain, hindi sa malalaking hotel. Ibig sabihin, simpleng lugar at karaniwang pagkain ang nagpapasaya sa kanya, lalo na kung kahalubilo ang ordinaryong mga mamamayan.

Sa biglang tingin, mahirap paniwalaan ang nakagpagpapanibangong balitaktakan nina Cam, PCSO Chairman Jorge Corpus at General Manager Alexander Balutan. Lalo na nga kung iisipin na sila ay pare-parehong kaalyado ng Pangulo. Kailangan ba nilang magpalakasan pa sa Pangulo? O, may namumuno kayang pagsasapawan sa pamunuan ng naturang tanggapan na hindi malayong humantong sa pagsisibakan?

Sa anu’t anuman, natitiyak ko na ang nasabing hindi kanais-nais na eksena sa PCSO ay hindi palalampasin ng Pangulo.

Hindi kaila ang kanyang pagkadismaya sa anumang palatandaan ng hindi mabuting pamamahala, tulad ng kanyang ginawa at ginagawa sa ilang tanggapan na inaakala niyang pinamumugaran ng mga alingasngas.

Ang pangunahing misyon ng PCSO hinggil sa pagkakaloob ng walang kinikilingang pagkakawanggawa ay hindi dapat mabahiran ng mga pag-aalinlangan, lalo na sa panig ng mga maralita na lagi nang umaasam sa pagsaklolo ng nasabing ahensiya. Ito ang laging binibigyang-diin ng Pangulo.

Sa bahaging ito ay bigla kong naihambing ang mistulang pagbabangayan sa PCSO sa halos gayon ding eksena na nagaganap naman sa Supreme Court, at sa iba pang tanggapan ng gobyerno na ginigiyagis din ng mga hindi pagkakaunawaan.

Mawalang-galang na sa mga Mahistrado ng SC, hindi ba ang pagdalo ng naturang mga opisyal sa House Justice Committee kaugnay ng impeachment case laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay naglalarawan ng hindi pagkakaunawaan? Hindi ko tatangkaing salangin ang anumang detalye ng naturang usapin. Bagamat may matayog na pagpapahalaga sa pagkakaisa at pagkakaunawaan, naniniwala ako na dapat lamang asahan ang pag-iiringan na hindi malayong humantong sa tuluyang paglalayu-layo.

Ang pag-aayos ng batikusan sa PCSO ay nasa kamay ng Pangulo samantalang ang pagtimbang sa nabanggit na impeachment case ay marapat na ipaubaya na lamang sa Senado. Maghintay na lamang tayo sa resulta ng lumalalim na mga pag-iiringan.