Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang bagitong pulis sa pagtangay ng motorsiklo at panunutok ng baril sa Makati City, nitong Martes ng gabi.

Kasong carnapping, grave threats at administratibo ang kinakaharap ni PO1 Giles Buenaflor, 34, ng Philippine National Police (PNP), nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), at residente ng No. 2511 Callejon 6, Sta. Ana, Maynila.

Kinilala naman ang biktima na si Davelyn Labana y Velado, 26, ng No. 5802 Sacramento Street, Barangay Olympia, Makati City.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa San Jose St., Bgy. Olympia, dakong 7:45 ng gabi.

Eleksyon

'Babalik na sa politika!' De Lima, lead nominee ng Mamamayang Liberal party-list

Tinangay ni PO1 Buenaflor ang itim na Yamaha Aerox 150, walang plaka, na pag-aari ni Labana habang ito ay nakaparada sa tapat ng bahay sa No. 7206 San Jose Street.

Nang paandarin ng pulis ang motorsiklo, nakita at namukhaan siya ng isang tambay ngunit agad itong pinagbantaan at tinutukan ng baril kaya malayang natangay ang motorsiklo.

Agad ini-report ng biktima ang insidente sa Makati City Police at isinagawa ang follow-up operation laban kay PO1 Buenaflor na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Nakumpiska sa suspek ang kanyang service firearm at ang tinangay na motorsiklo.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at isasailalim sa illegal drug test. - Bella Gamotea