ni Celo Lagmay
SA kabila ng paniniyak ng Duterte administration na ang pagsasabatas ng P3.7 trillion 2018 General Appropriation Act (GAA) ay makapagpapaangat sa ekonomiya ng bansa at makapagpapaigi sa pamumuhay ng sambayanan, umalma ang ilang mambabatas na naniniwalang nasagasaan ang kani-kanilang ‘pet projects’. Ibig sabihin, mistulang kinaltas sa naturang pambansang badyet ang pork barrel na nakaukol sa mga Senador at Kongresista.
Hanggang sa malagdaan ni Pangulong Duterte ang 2018 GAA, pinanindigan ng Department of Budget and Management (DBM) na tuluyan nang binura ang laging inaasam ng mga mambabatas na pork barrel na lalong kilala bilang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Ang paglaan o paggamit ng nasabing pondo ay ipinaubaya na lamang sa iba’t ibang kagawaran na tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA) at iba pa. Ang mga ito ang mangangasiwa sa implementasyon ng mahahalagang proyekto na maaaring irekomenda na lamang ng mga mambabatas.
Totoo na lubhang kailangan ng mga mambabatas ang gayong pondo sa pagtustos sa mga programa na idinudulog naman sa kanila ng kanilang mga constituents o nasasakupan. Hanggat maaari, hindi nila dapat biguin ang mga ito na talaga namang umaasa sa pagbibigay sa kanila ng mga kaluwagan. Sila ang pinagkautangan nila ng mga boto upang sila ay maihalal. Subalit hindi maililihim na higit ang pag-asam ng ilang mambabatas sa pork barrel na pinagkakakitaan din naman nila.
Hindi dapat maghangad ang ilang mambabatas sa pondong pinaniniwalaan kong hindi sila dapat makisawsaw. Ang PDAF ay idineklara nang labag sa batas ng Supreme Court. Gayundin ang Disbursement Acceleration Fund (DAF). Ang dalawang programang ito ay magugunitang nagbunsod ng katakut-takot na katiwalian na naging dahilan ng pagkakakulong ng ilang mambabatas at ng iba pang idinawit sa naturang pork barrel scandal.
Kailangan nang matauhan ang ilang mambabatas na hindi implementasyon ng mga pagawaing-bayan at iba pang proyekto ang kanilang dapat atupagin. Pangunahing tungkulin nila ang pagbalangkas ng mga batas na makapagpapabago at makapagpapaunlad sa pamumuhay ng sambayanan, lalo na ang kanilang mga nasasakupan. Maliban kung ang ilan sa kanila ay maituturing na inutil bilang mga lawmakers, wala silang karapatang maging Senador o Kongresista; lalo na nga kung ang ilan sa kanila ay nahihirati pa sa pagsawsaw sa masasalimuot na misyon na taliwas sa sinumpaan nilang mga tungkulin.