Bilang patunay na hindi simpleng bagay ang paninipol, pagka-catcall o manghipo sa Quezon City, inaresto ang garbage collector ng kanyang hauling contractor matapos umanong bastusin ang isang babaeng estudyante na nag-aabang ng masasakyan sa Barangay Bagumbuhay sa Project 4.

Ayon sa Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD) ng lungsod, una nang winarningan ang inarestong garbage collector o “palero” at tuluyang sinibak ng management ng OMNI Hauling Services Inc.

“Nais ipaalala ng kompanya na dapat ay kontrolado ninyo ang inyong mga palero dahil kayo ang direktang kumukuha dito,” nakasaad sa memo ng kumpanya.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang Sandy na umabot sa social media page ng Quezon City Public Affairs Department (PAISO).

National

Akbayan, nagpaskil ng 'wanted' posters ni Harry Roque: 'Sumuko ka na, POGO lawyer!'

“Nakatayo ako sa kanto ng Kalantiyaw Street at naghihintay ng masasakyan nang dumaan ang isang dilaw na garbage truck na may body number 15. Kasunod nito ang lalaki na collector. Pagdaan sa akin, sinabi niya, ‘Idol, ang ganda mo. I love you.’ Nilingon ko siya at sinabing, ‘bastos’. Ngunit ngumiti pa siya. Nakakabastos po. Sana matukoy ang taong ito at mapagsabihan man lang,” mensahe ni Sandy QC-PAISO.

Bilang tugon sa mensahe, inabisuhan ng PAISO ang biktima na maghain ng reklamo sa Violence against Women and Children Desk ng Barangay Bagumbuhay upang umpisahan ng local authorities ang legal proceedings. - Chito Chavez