Ginawaran ng plaque of recognition ng pamahalaang panlalawigan ng Lanao Del Sur si Senator Richard J. Gordon, chairman at chief executive officer ng Philippine Red Cross (PRC), dahil sa mabilis na pagtugon at pagkaloob ng tulong ng naturang premier humanitarian organization sa mga pamilyang naapektuhan ng krisis sa Marawi City.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, isa si Gordon at ang PRC sa mga unang nagkaloob ng humanitarian assistance sa mga taga-Marawi nang sumiklab ang kaguluhan doon.

Sa kanyang panig, sinaluduhan naman ni Gordon ang mga volunteers ng PRC dahil sa kawalan ng kapaguran at sa dedikasyon ng mga ito sa pagtulong sa mga taong nangangailangan.

“This is for all our volunteers who worked tirelessly day and night to uplift dignity and alleviate human suffering of our Muslim brothers and sisters. Such heroic acts prove that we are not separated by religion. We are one Filipino people, one Philippines,” pahayag ni Gordon nang tanggapin ang parangal sa isang simpleng seremonya sa Marawi City Capitol.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na nang sumiklab ang giyera sa Marawi noong Mayo 23, 2017, agad tinipon ni Gordon ang mga empleyado at volunteers ng PRC mula sa malalapit na chapter ng Iligan, Cagayan de Oro at Marawi City, at ipinadala sa lugar upang magkaloob ng emergency relief goods sa mga biktima.

Sa Marawi chapter pa lamang, nakapagtaguyod na sila ng 200 volunteers sa kanilang relief at emergency response.

Dumalo rin naman sa recognition ceremony ang International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies Head of Country Office na si Chris Staines, IFRC Operations and Programmes Manager Patrick Elliot, Qatar Red Crescent Society Head of Delegation Abdel Mumim, at International Committee of the Red Cross Deputy Head of Delegation Martin Thalman.

Pagkatapos ng seremonya, binisita ng Red Cross delegation ang ground zero sa Marawi o ang sentro ng bakbakan sa pagitan ng mga militar at mga teroristang grupo ng Maute-ISIS.

Namahagi rin sila ng hygiene kits at pagkain sa may 300 pamilyang nanunuluyan sa Saguiaran Municipal Grounds at binisita ang mga bakwit na humihingi ng medical assistance, sa Balo-I Basic Health Care Unit, na itinayo ng PRC sa Balo-I, Lanao del Sur.

Sa kasalukuyan, nabatid na nakapagbigay na ang PRC ng pagkain sa may 6,192 indibiduwal at nakapagpamahagi na ng 12,959,300 milyong litro ng tubig sa 214,504 na katao na apektado ng krisis.

“To ensure the hygiene and sanitation of displaced families, PRC conducted hygiene promotion to 10,234 people, stationed 20 portalets for some 45,580 individuals, and set up shower facilities that benefitted almost 91,150 evacuees,” ayon pa kay Gordon. - Mary Ann Santiago