Sugatan ang dalawang lalaki nang magtalo at magkabarilan ang dalawang pamilya sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Unang isinugod sa Mary Johnston Hospital si Eliseo Silvestre, 56, construction worker, nang barilin sa likod ng suspek na si Jessie Masangkay, 36, kapwa taga-Quirino Street, Tondo.

Sumunod namang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Masangkay matapos na barilin sa dibdib ng kamag-anak ni Silvestre na si Alvin, 35 anyos.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Manila Police District-Station 1 na nangyari ang insidente dakong 9:00 ng gabi sa Dandan Street, kanto ng Quirino Street.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa salaysay ni Joel Hilario, nag-iinuman sila kasama si Eliseo nang dumating ang kapatid ni Jessie na si Joseph Masangkay, 27, alyas “Macmac Topak”.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Eliseo at Joseph na naawat naman hanggang sa umalis ang huli. Pero nang bumalik si Joseph ay kasama na si Jessie, na kaagad bumaril kay Eliseo.

Nakita naman ni Alvin ang nangyari kaya binaril din niya si Jessie, na tinamaan sa dibdib.

Naaresto si Alvin at nakumpiskahan ng .45 caliber pistol, habang pinaghahanap naman si Joseph. - Mary Ann Santiago