Ni FRANCIS T. WAKEFIELD, at ulat ni Beth Camia

Inihayag kahapon ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza na tuluyan nang kinansela ng gobyerno ang lahat ng nakatakdang pakikipagpulong sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) kaugnay ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na makikipag-usap ang pamahalaan sa mga komunista.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dureza na dahil sa mga insidente ng karahasan ng NPA sa iba’t ibang panig ng bansa, wala nang choice ang Pangulo kundi ang kanselahin na lamang ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista.

“We take guidance from the President’s recent announcements and declarations,” saad sa pahayag ni Dureza. “This is an unfortunate development in our work for peace. Never before have we all reached this far in our negotiations with them.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa nasabi ring pahayag, sinabi ni Dureza na sa kabila ng mga pagpupursige ng Pangulo ay hindi nagpakita ng kaparehong pagsisikap ang panig ng CPP-NPA.

“There will be no peace negotiations anymore with the CPP-NPA-NDF until such time as the desired enabling environment conducive to a change in the government’s position becomes evident. We will closely watch the developments,” ani Dureza.

“We have expressed our deep gratitude to the Royal Norwegian Government for its strong support as we also expressed to their officials our regrets for this turn of events,” dagdag pa ni Dureza.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Dureza na ang muling pagkakabalam ng usapang pangkapayapaan sa mga komunista ay pansamantala lamang, at binigyang-diin na hangad pa rin ng pamahalaan ang pangmatagalang kapayapaan.

Kasabay nito, sinabi ni Defense Secretay Delfin Lorenzana na pagod na si Pangulong Duterte sa hindi paninindigan ng CPP-NDF sa mga sinasabi nito, at sa patuloy na panggugulo ng NPA sa mga Pilipino.

Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na ipagpapatuloy ng DND at ng militar ang operasyon nito laban sa NPA, bagamat hinimok pa rin ang pagsuko ng mga rebeldeng nais magbalik-loob sa pamahalaan.